Reporma sa pension system ng AFP at PNP dapat pag-aralan — Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Nanindigan si Senador Christopher “Bong” Go na bukas ito sa mga reporma sa pension system para sa mga tauhan ng militar ng bansa ngunit kung hindi ito makakaapekto sa mga benepisyo ng mga aktibo at retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) gayundin ang iba pang unipormadong tauhan, na ang mga taon na kanilang isinakripisyo para pagsilbihan at protektahan ang bansa.

Ito ang tugonni Go hinggil sa pinag-aaralan ng kasalukuyang administrasyon ang posibilidad na muling suriin ang sistema ng pensiyon, na binabanggit ang pagkabahala na ang badyet para sa nasabing mga pensiyon ay hindi maiiwasang lalampas sa komoensasyon ng mga nasa aktibong serbisyo.

“Bilang isang senador, at vice-chair ng Defense Committee sa Senado, I want to give our heroes what is due to them, but we also have to ensure the fiscal stability of our nation,” sabi nito.

“Kahit isang boto lang po ako, palagi kong ipaglalaban kung ano ang tama at makakabuti po sa military at sa ating mga uniformed personnel. Naiintindihan ko po ang concern ng ating mga finance manager, pero ‘wag po natin itong gawin at the expense of the military,” dagdag pa ni Go.

Muli ring iginiit ni Go na kailangang balansehin ang kapakanan ng militar at iba pang unipormadong tauhan, at ang kanilang mga dependent, habang nireresolba ang posibleng masamang epekto sa pananalapi batay sa kasalukuyang projection.

“Umaapela po ako sa gobyerno na huwag sana madamay ang ating mga active at retired military officials. Sang-ayon naman po ako sa reporma pero kung ito ay para sa ikakabuti ng bawat isa. Let us maintain fiscal flexibility and provide adequate benefits and remuneration to our men and women in uniform,” paliwanag pa ni Go.

“Ayaw nating madehado ang ating kasundaluhan pagdating sa proposed pension reform. Dapat po’y sa mga new entrants lang po o sa mga bagong papasok sa military para alam nila sa simula palang ng kanilang career bilang sundalo kung ano po ‘yung rules na kanilang susundin at magaapply sa kanila,” aniya pa.

Dagdag pa nito, magiging unfair para sa mga aktibo at retiradong tauhan ng militar na masakop ng panukalang pension reform dahil ang mga umiiral na alituntunin ang naging batayan nila sa pag-compute ng kanilang mga benepisyo pagkatapos nilang maglingkod sa bansa.

“We should not change rules o pagbabago po ng batas sa kalagitnaan… huwag natin baguhin ang nakasanayan na sa kalagitnaan. Alam n’yo karamihan po sa ating mga military, expecting na sila sa kanilang matatanggap. Once they retire, ‘yung iba po ay naka-loan, ‘yung iba ay nakautang na at mayroong nakalaan na, nakaplano na ito sa kanilang mga anak, sa kanilang mga pamilya. Nakaprograma na po ang kanilang mga pera,” pahayag pa nito.

Leave a comment