DOLE, DTI at DA kapit kamay sa selebrasyon ng Labor Day

NI NERIO AGUAS

May nakalatag na mga regalo ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa mga manggagawa kasabay ng pagdiriwang ng ika-121 Araw ng Paggawa sa Mayo 1, 2023.

Tatlong pangunahing aktibidad ang inihanda ng DOLE, Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Agriculture (DA), kabilang ang pagbibigay ng parangal sa mga manggagawang Pilipino,  ang Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa, at paggawad ng tulong ng pamahalaan sa mga manggagawa, at ang pagsasagawa ng sabay-sabay na job fairs sa buong bansa.

Gaganapin ito sa Mayo1,  sa 16 na rehiyon, kung saan ang National Capital Region (NCR) ang pangunahing lugar ng selebrasyon.

Sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo Para sa Manggagawa, layon nito na matulungan ang mga manggagawa na makabili ng mga produkto sa abot-kayang presyo.

Ang Kadiwa, na pinamumunuan ng DA, ay nagbibigay-daan sa mga magsasaka upang direktang maibenta ang kanilang mga produkto sa mga mamimili nang walang tagapamagitan, at nagbibigay sa kanila ng mas malaking kita habang nag-aalok ng mga de-kalidad na produkto sa abot-kayang halaga sa mga mamimili.

Pangungunahan din ng labor department ang pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng suweldo sa mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Special Program for Employment of Students (SPES), at Government Internship Program (GIP) sa buong rehiyon.

Samantala, para mas mabilis ang pangangasiwa ng trabaho, magsasagawa ng magkakasabay na job fairs sa iba’t ibang SM at Robinson’s mall sa buong bansa, kung saan ang pangunahing job fair site ay sa NCR.

Hinihikayat na ng DOLE ang mga naghahanap ng trabaho na maging handa sa mga kinakailangang dokumento sa kanilang aplikasyon, tulad ng resume o curriculum vitae, certificate of employment para sa mga dating nagtatrabaho, diploma, at transcript of records.

Magbibigay rin ng kani-kanilang serbisyo ang iba pang ahensya ng pamahalaan, tulad ng DTI, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Migrant Workers (DMW); at pre-employment service agencies, tulad ng Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR), Social Security System (SSS), Pag-IBIG, Philhealth, at Philippine Postal Corporation sa nasabing okasyon.

Ang selebrasyon sa Araw ng Paggawa ngayong taon ay may temang, “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho Para sa Manggagawang Pilipino.”

Leave a comment