
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng labis na pagkabahala si Senador Ramon Bong Revilla Jr. hinggil sa matinding pagkakalantad ng database ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Kasabay nito, agad nagsumite ng Senate Resolution No. 573 si Revilla na nag-aatas sa Senado na magsagawa ng legislative inquiry ang kaukulang komite hinggil sa nasabing pangyayari.
Ayon sa ulat ng VPNMentor, nangungunang cybersecurity research company, nakakabigla na umabot sa 1,279,437 records mula sa iba’t ibang law enforcement agencies, kabilang na ang mga sensitibong police employee information ang nakumpurmiso dahil sa naganap na data breach.
Ang napakalaking data hack ay naglantad sa 817.54 gigabytes ng mga record ng aplikante at empleyado ng iba’t ibang ahensiya tulad ng PNP, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Special Action Force (SAF).
“Sobrang nakakabahala ang ulat na ito. Napaka-sensitive ng mga data na involved – mga fingerprint scans, tax identification numbers, birth certificates at ultimo mga kopya ng passport. Kung mapunta ito sa kamay ng mga masasamang tao, napakadali na sa kanila na gamitin ito sa panloloko at pag-access ng iba pang records katulad ng sa mga bangko,” nanlulumong pahayag ni Revilla.
Ibinunyag din VPNMentor na ang paghihimasok sa mga dokumento ay makaimbak sa isang database na hindi protektado at wala man lamang protektadong password na masyadong lantad sa cyberattacks o ransomware.
“Hindi dapat ganyan ang pangagalaga ng mga sensitibong impormasyon. Repositories must be extra diligent in protecting these information,” paliwanag ni Revilla.
Sinabi ni Revilla na ang data privacy at ang proteksiyon nito ay isang national security at interest na kailangang tugunan ng Kongreso upang maipatupad ang umiiral na batas hinggil sa data privacy na dapat ay istriktong masunod.
“We have existing laws, especially Republic Act No. 10173 or the Data Privacy Act of 2012. Dapat nasusunod ito. May batas tayo eh,” ani pa ni Revilla.
Nakasaad sa Section 2 ng RA 10173 na ang estado ay kinikilala ang mahalagang papel ng information and communications technology sa pagbuo ng bansa at ang minanang obligasyon na masigurong ang personal na impormasyon sa information and communications systems sa pamahalaan at pribadong sektor ay ligtas at protektado.
Sa Section 22 ng nasabi ring batas ay nakasaad na ang lahat ng sensitibong personal na impormasyon ay inaalagaan ng pamahalaan, bawat ahensiya at mga kaakibat nito ay dapat na ligtas gamit ang kaukulang panuntunan na kinikilala ng information and communications technology industry, na rekomendado ng komisyon.
Matatandaan na noong Nobyembre 2021, ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay dumanas din data leak sa kanilang online passport tracking system na labis na ikinataranta ng naturang ahensiya.
Noong nakaraang taon, ang Commission on Elections (Comelec) ay umabot din ng “60 gigabytes ng mga sensitibong impormasyon ng mga botante ang nabiktima ng hacking at bago pa ito ay nakapag-download din ang grupo ng mga hacker ng personal data records ng may 54 milyong registered voters.
“Apektado talaga ang national security ng ating bansa dito. In this age of digitalization and e-governance, mas lalo pa dapat natin paigtingin na ligtas ang mga impormasyon na hawak ng ating gobyerno para hindi makompromiso ang taumbayan. I therefore call on my colleagues in the Senate to swiftly take action on this matter para hindi na ito muling mangyari,” pahayag pa ni Revilla.
