
Ni NOEL ABUEL
Dalawang babaeng centenarians ang nakatanggap ng tig-P300,000 bawat isa sa Ozamiz City, Misamis Occidental matapos magdiwang ng ika-100 kaarawan.
Masayang tinanggap nina Pompia Ochagabia Balcita mula sa Barangay Maningcol at Tiburcia Gaid Parojinog mula naman sa Barangay Molicay ang kanilang benepisyo na kinabibilangan ng P100,000 mula sa national government ayon sa Centenarians Act of 2016 (Republic Act No. 10868).
Dipoble naman ito ni Misamis Occidental provincial government at Governor Henry Oaminal, at dinagdagan din ni Mayor Henry “Indy” Oaminal, Jr. at ng city council ng P100,000.
“These gifts are only one part of how the Ozamiz City LGU expresses our commitment to the welfare of our senior citizens,” sabi ni Mayor Oaminal, Jr.
“As a city we fully embrace senior citizen-centered policies such as the Centenarians Act, so that we may continue to care for our lolos and lolas,” dagdag nito.
Ang mga centenarians ay nakatanggap din ng nilagdaang liham mula kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na binabati sila sa “kahanga-hangang tagumpay na umabot sa isang daang taong gulang, sapagkat ito ay sumasalamin sa buong buhay ng mga tagumpay kapwa malaki at maliit.”
Sinamantala rin ni Mayor Oaminal, Jr. ang pagkakataong hikayatin ang mga nakatatandang Ozamiznon na pangalagaan ang kanilang kalusugan, para mas maraming lolo at lola ang manatiling matatag para sa kanilang ika-100 kaarawan at higit pa.
Nabatid na sina Balcita at Parojinog ang kabilang sa ika-9 at ika-10 centenarians sa lungsod na nakatanggap ng cash gifts simula nang Asenso Ozamiz administration.
