Caloocan PNP pinuri ni Mayor Malapitan sa pagkakahuli sa 25 wanted sa lungsod

Si Caloocan City Mayor Along Malapitan habang kinakausap si Caloocan City Police chief Col. Ruben Lacuesta sa matagumpay na kampanya laban sa mga kriminal sa lungsod .

Ni JOY MADELINE

Pinuri ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang Caloocan City Police Station (CCPS) sa matagumpay na pagkakadakip sa mahigit 250 wanted person noong unang quarter ng taon.

Sa ulat na isinumite ni Caloocan Chief of Police Col. Ruben Lacuesta, 195 ang naaresto sa ilalim ng listahan ng mga wanted person habang 53 ang nakalista sa most wanted persons.

Bilang karagdagan, pitong indibidwal na nahuli ng CCPS ay nabibilang sa nangungunang sampung most wanted person.

“Kabilang sa mga kaso ng mga naaresto natin ay robbery, carnapping, homicide, murder at rape. Mayroon din mga lumabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act,” ani Lacuesta.

Sinabi naman ni Malapitan na patunay lamang na hindi nagpapabaya ang CCPS sa trabaho ng mga ito.

“This is a huge achievement for the Caloocan Police. Patunay na hindi sila nagpapabaya sa kanilang trabaho at tuloy ang pagsuporta nila sa ating panawagan na linisin ang listahan ng mga most wanted sa Caloocan,” ayon sa alkalde.

Muli ring iginiit ng lokal na punong ehekutibo ang kanyang panawagan na gawing mapayapang tirahan ang lungsod para sa kanyang mga nasasakupan anuman ang estado ng bawat indibiduwal.

“Mahirap man o mayaman, karapatan ng bawat isa na mamuhay ng payapa at panatag. Kaya naman kailangang magtulungan ng lahat, mula sa barangay hanggang sa pamahalaang lungsod at lalo na ang mga pulis, upang maibigay ito sa mga mamamayan,” sabi pa ni Malapitan.

Sinabi rin nito na ang Caloocan City Peace and Order Council ay bumubuo ng mga bagong resolusyon at patakaran upang paigtingin ang anti-criminality campaign sa lungsod.

“Our goal is to further lower the crime rate in the city. Kung posible ang zero crime rate, bakit hindi? Hahanap at hahanap kami ng paraan upang patuloy na paigtingin ang peace and order sa Caloocan at gayundin ay patatagin pa ang tiwala ng mga mamamayan sa kapulisan at sa hustisya,” paliwanag pa ni Malapitan.

Leave a comment