
Ni NERIO AGUAS
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng South Korean na wanted sa bansa nito dahil sa kasong Telco fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang naarestong dayuhan na si Kim Yerum, 28-anyos, na naaresto sa Angeles City, Pampanga ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) noong Abril 25.
Ang pagkakahuli sa nasabing dayuhan ay sa bisa ng deportation warrant na inilabas ni Tansingco base sa summary deportation order na nilagdaan ng BI board of commissioners noong Oktubre 2021.
Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na si Kim ay kasama sa red notice ng Interpol noong Marso 2020, o 7-buwan matapos na ilabas ang arrest warrant laban dito ng Suwon district court sa Korea dahil sa telco fraud.
Ayon pa kay Sy, si Kim ay inakusahan na miyembro ng isang voice phishing syndicate na tinawag na “Minjun family” na nag-o-operate simula pa noong 2017.
Binibiktima umano ng sindikato ang kanilang mga kababayan sa Korea na niloloko para magbigay ng kanilang pera at ibunyag ang personal na impormasyon dahil sa mga mapanlinlang na tawag sa telepono ng mga suspek sa mga biktima.
Dagdag pa ni Sy, isa nang undocumented alien si Kim dahil ang kanyang passport ay binawi na ng Korean government.
Agad na ipade-deport si Kim matapos ipaalam ng mga awtoridad ng South Korea sa BI ang tungkol sa kanyang presensya sa bansa at ang kanyang rekord bilang wanted na pugante sa Korea.
