
NI NERIO AGUAS
Nasagip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) apat na Pinay na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking nang tangkaing lumipad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Lebanon para magtrabaho bilang household service workers.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, tatlo sa mga biktima ay pinayagan nang makalipad subalit agad na naharang ng BI bago pa makasakay ng Air Asia flight patungong Kuala Lumpur noong nakalipas na Abril 21.
Samantala, ang isa pang Pinay ay naharang bago pa makasakay ng Cebu Pacific flight patungong Bangkok.
Sinabi ni Tansingco na base sa pagsisiyasat, nagkunwang mga turista ang mga biktima subalit sa huli ay umamin din na ang final destination ng mga ito ay sa Lebanon kung saan ni-recruit ang mga ito ng isang nagngangalang Helen na nakilala ng mga ito sa social media na Facebook at nagbigay ng kanilang travel documents.
“Sending people abroad without proper documents, let alone to countries with existing deployment bans, raises security threats for our OFWs even more,” sabi ni Tansingco.
Aniya, binanggit din ng mga biktima na binigyan ng instruksyon ang mga ito ng kanilang recruiter kung saan pipilang immigration counter para makalusot.
Ngunit sinabi ni Tansingco na base sa kanilang imbestigasyon, ang immigration officer na sinasabing dinaanan ng mga biktima ay agad na tinanggal sa posisyon at sa kasalukuyan ay sumasailalim na sa imbestigasyon.
“Corruption has no place in our agency. Immediate action against employees who are possibly conniving with these syndicates will serve as a big deterrent to others who might be thinking of following suit,” sabi ni Tansingco.
Ang mga biktima ay nasa pangangalaga ng Inter-Agency Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at tutulong para sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiters.
