
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ng ilang kongresista ang paglikha ng karagdagang dibisyon sa National Labor Relations Commission (NLRC) para higit pang mapabuti ang accomplishment rate sa pagresolba sa mga alitan na may kaugnayan sa paggawa.
Sa inihaing House Bill No. 4958 nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap, sinabi ng mga ito na ang pagtatatag ng karagdagang dibisyon sa NLRC ay bilang suporta sa misyon nito na lutasin ang mga alitan sa paggawa sa pinakamabilis, hindi magastos at pinakamabisang paraan.
Iminungkahi nina Yap at Duterte na ang mga dibisyon sa NLRC ay dagdagan mula walo magiging siyam.
Gaya ng isinasaad sa ilalim ng Labor Code, ang una hanggang ikaanim na dibisyon ng NLRC ay matatagpuan sa Metro Manila, habang ang ikapito ay nakabase sa Cebu, at ang ikawalo sa Cagayan de Oro.
Sa ilalim ng HB 4958, ang karagdagang ninth division ay matatagpuan sa Davao para humawak ng mga kaso sa Mindanao.
Isinasaad din ng panukalang batas ang pagdaragdag ng tatlong komisyoner ng NLRC, na dinadala ang kabuuang bilang ng mga miyembro ng Komisyon sa 27, kabilang ang chairperson.
Ayon sa 2021 Performance Report nito, napanatili ng NLRC ang mataas na disposition rate at makabuluhang binawasan ang bilang ng mga nakabinbing kaso.
Nakapagtala ang Komisyon ng kabuuang output na 32,433 kaso para sa compulsory arbitration kung saan 24,262 ay orihinal na kaso mula sa Regional Arbitration branches (RABs) at 8,171 ay inapela na kaso mula sa Commission Proper.
Sa 98 porsiyentong kabuuang target ng NLRC, ang RAB at Commission Proper ay nakapagtapon ng 27,754, na nangangahulugang 86 porsiyentong accomplishment rate.
Gayunpaman, sa porsyento ng mga kaso na naresolba sa loob ng tatlong buwan mula sa paghahain o pagtanggap ng mga reklamo, ang RABs ay nakapagsagawa lamang ng 38 porsiyento ng 69 porsiyentong target nito para sa 2021.
Ang NLRC ay quasi-judicial body na attached sa Department of Labor and Employment (DOLE).
May mandato ito na magpasya sa mga hindi pagkakaunawaan sa paggawa at pamamahala sa pamamagitan ng sapilitang arbitrasyon at mga alternatibong paraan ng paglutas ng hindi pagkakaunawaan.
Ang kasalukuyang walong dibisyon ng NLRC ay binubuo ng tig-tatlong miyembro — ang namumunong komisyoner ay mula sa sektor ng gobyerno, habang ang dalawa pang miyembro ay kumakatawan sa sektor ng mga manggagawa at employer.
