Imbestigasyon sa sugar fiasco muling ipinagpaliban ng Senado

3 opisyal ng pamahalaan “no show” pa rin

NI NOEL ABUEL

Ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon nito kaugnay ng sugar fiasco matapos na hindi dumalo sa pagdinig ang mga pangunahing opisyal ng pamahalaan na dapat sumagot sa nasabing usapin.

Nagdesisyon si Senador Francis Tolentino, chairman ng nasabing komite, na hindi na ituloy pa ang ikalawang pagdinig sa Senate Resolution no. 497 na inihain ni Senador Risa Hontiveros na humihiling na imbestigahan ang ulat na pag-import ng Department of Agriculture (DA) ng asukal kahit wala pang inilalabas na Sugar Order no. 6 si Pangulong Ferndinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Tolentino na walang patutunguhan ang imbestigasyon dahil sa hindi dumating sina DA Usec. Domingo Panganiban, Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual at National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan.

“I noticed the absence of several invited resource persons, notably members of the cabinet who should have been here and give us critical information and testimony. I noticed specifically the absence of NEDA Sec. Balisacan, former Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator David John Alba, Sec. Pascual of DTI, ang Usec. Panganiban,” sabi ni Tolentino.

“We will not be able to dig into its contents. They are vital to the investigation that this committee will be undertaking. It might be difficult for us to continue without them,” sabi pa ni Tolentino.

Inusisa ng senador si Executive Secretary Lucas Bersamin na personal na dumalo sa pagdinig, kung nasaan ang mga nasabing mga opisyal at kung bakit hindi nagawang personal na dumalo sa pag-iimbestiga ng Blue Ribbon Committee.

Sa pahayag ni Bersamin, sinabi nitong ang tatlong opisyal ay may kanya-kanyang may opisyal na lakad sa ibang bansa kung kaya’ hindi makararating sa pagdinig.

Nagpasalamat naman si Tolentino kay Bersamin na pagdalo nito sa pagdinig na nagsabing handa pa rin itong dumalo sa susunod na pagdinig.

Ayon naman kay Senador JV Ejercito, hindi katanggap-tanggap na sa ikalawang beses na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ay inisnab pa rin ni Panganiban ang pagdinig hinggil sa usapin ng asukal.

Hindi aniya ito magugulat kung magdedesisyon si Tolentino na ipa-subpoena si Panganiban para lamang lumutang ito sa pagdinig ng Senado kung saan susuportahan nito ang magiging desisyon ng una.

Sa panig naman ni Hontiveros, sinabi nitong malaki ang dapat na ipagpaliwanag ni Panganiban kung bakit nakapasok sa bansa ang nasa 440,000 metriko tonelada ng asukal nang walang utos ng Pangulo.

Nais usisain ni Hontiveros si Panganiban kung bakit binibigyan nito ng pabor ang tatlong sugar traders na awtomatikong magkokontrol sa presyo ng asukal sa merkado at posibleng paglabag sa anti-smuggling laws.

Leave a comment