
Ni NOEL ABUEL
Inaprubahan na ng Kamara ang panukalang batas na magpapataw ng parusa laban sa mga private elementary at high school educational institutions na hahadlang sa mga mag-aaral na kumuha ng nakaiskedyul na eksaminasyon dahil sa hindi maayos na obligasyon sa pananalapi.
Sa botong 259 pabor sa House Bill (HB) No. 7584, kung saan isinasaad dito na papayagan ang sinumang mag-aaral sa pribadong eskuwelahan na kumuha ng eksaminasyon kahit may hindi pa nababayarang school fees.
“With this important legislation, we hope to democratize access to private basic education, and allow our learners the chance to take exams if they have valid reasons for the non-payment of their tuition and other school fees,” sabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
“We acknowledge that there are unforeseen emergencies and events that could prevent a family from paying their obligations but this should not jeopardize the learning and welfare of students. We hope to help them overcome this difficulty while also providing safeguards for the private basic schools,” dagdag pa nito.
Upang balansehin ang kapakanan ng mag-aaral sa mga pangangailangan ng mga pribadong paaralan, nakasaad sa Section 4 ng iminungkahing batas na nag-aatas sa mga magulang o tagapag-alaga ng mga mag-aaral na magsagawa ng promissory note bago ang pagkuha ng pagsusulit.
Nakapaloob pa sa HB 7584 na ang pagpapaliban ng pagbabayad ay hindi rin dapat lumampas sa taon ng pag-aaral, maliban kung pinapayagan ng mga private basic education institutions.
Pinapayagan din ang mga school authority na pigilin ang pag-iisyu ng naaangkop na clearance and transfer credentials ng elementarya at sekondaryang mga mag-aaral na may hindi nabayarang mga obligasyon sa pananalapi at tanggihan ang kanilang pagpapatala sa susunod na panahon ng pasukan hanggang sa ang lahat ng nakaraang mga pagkakautang ay ganap na mabayaran.
Upang matiyak ang pagsunod, ang panukala ay nagpapataw ng mga parusang pang-administratibo sa mga private basic education institutions na napatunayang nagkasala ng paglabag sa anumang probisyon alinsunod sa mga kapangyarihan ng Department of Education sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 232, o mas kilala bilang “Education Act of 1982” at Republic Act No. 9155, na mas kilala bilang “Governance of Basic Education Act of 2001”.
Samantala, ang mga magulang, tagapag-alaga, o mag-aaral na napatunayang nagkasala sa paggawa ng anumang pagkilos ng pandaraya, kasinungalingan o maling representasyon sa pagkuha ng kanilang benepisyo ay sasailalim din sa administrative at disciplinary sanctions ng mga private basic education institutions.
