Caloocan LGU namahagi ng bakuna sa 62,000 kabataan laban sa polio at tigdas

Ni JOY MADELINE

Aabot sa mahigit sa 62,000 kabataan ang nakatanggap ng anti-polio, anti-measles, at vitamin A sa ‘Chikiting Ligtas’ vaccination campaign na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City.

Kaugnay nito, hinikayat ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga residente ng lungsod partikular ang magulang at mga guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak sa mga lugar ng pagbabakuna na matatagpuan sa iba’t ibang mga health centers o ng mga health workers na nagsasagawa ng mga house-to-house visits.

Nabatid na ang Chikiting Ligtas vaccination drive ay isasagawa hanggang Mayo 31, 2023.

Kabuuang 3,898 kabataan ang nakatanggap ng vitamin A, 26,181 ang nabakunahan laban sa measles, at 31,743 ang nakatanggap ng proteksyon laban sa polio.

Pinasalamatan naman ni Malapitan ang mga residente ng lungsod sa kanilang kooperasyon sa kampanya ng lokal na pamahalaan na protektahan at panatilihing ligtas sa mga sakit ang mga bata.

“Mahalaga na kaagapay natin ang mga magulang sa isinasagawa nating malawakang bakunahan laban sa rubella, polio, at tigdas,” ayon pa sa alkalde.

Samantala, sinabi naman ni City Health Department head, Dr. Evelyn Cuevas, na target ng lokal na pamahalaan na aabot ang lahat ng barangay sa Caloocan upang masigurong mababakunahan ang mga kabataan laban sa polio at tigdas.

“Wala pong lunas ang mga karamdamang ito at tanging pagpapabakuna ang susi upang magkaroon ng proteksyon ang mga bata, kaya naman sinisiguro po natin na may sapat na kaalaman ang mga mamamayan at mapuntahan ang bawat barangay,” sabi ni Cuevas.

Leave a comment