
Ni NOEL ABUEL
Sumugod sa tanggapan ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang ilang opisyal ng G-Cash, at Globe Telecom, Inc. matapos maglabasan sa balita ang pahayag nito hinggil sa eskandalong kinapalooban ng G-Cash.
Nabatid na una nang kinalampag ni Revilla ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong nakalipas na araw ng Martes na maglabas ng agarang panuntunan hinggil sa transparency at reliability mula sa e-wallet service providers matapos ang malawakang pagkawala ng pera ng napakaraming G-Cash account holders.
Ikinagalit ni Revilla ang nangyari dahil sa gitna ng naganap na kaguluhan ay tila walang malinaw na paliwanag ng G-Cash na labis na ipinag-aalala ng maraming may accounts na nawalan ng pera.
“Hindi personal ang galit ko, nabahala lang ako sa sinapit ng ating mga kababayan dahil perang pinaghirapan ‘yan tapos mawawala lang, hindi naman sapat na basta lang sasabihin na ibabalik ang nawalang pera dahil mahalagang malaman ng mga users kung bakit nangyari na napunta sa ibang mga bank accounts ang kanilang pera,” paliwanag ni Revilla.
Dahil dito, Miyerkules ng hapon ay nagtungo ang matataas na opisyal ng G-Cash sa pangunguna ni Gilda Maquilan, Head ng Corporate Communication and Public Affairs ng G-Cash upang magbigay ng paliwanag hinggil sa nangyari.
Kasama rin na humarap at nagpaliwanag kay Revilla sina Winsley Bangit, CEO GCash New Business, Gilbert A Escoto Chief- Legal, Avery Anatalio- Counsel, Stephanie Lozada- Head-Contracts Management na pawang mga taga G-Cash.
Dumalo rin sina Yoly Crisanto- Chief Corporate Comm and Sustainability, Liza Reyes Corp Comm Head, Jomel Gonzaga-Media Relations Officer at Patricia Garcia Corp Comm na pawang mga taga-Globe Telecom, Inc.
Maayos namang hinarap ni Revilla ang mga ito at masusing pinakinggan ang kanilang paliwanag kasabay ng pangakong hindi na umano mauulit ang nasabing pangyayari dahil may mga bago na umano silang ilalabas na sistema para bigyang proteksiyon ang mga GCash users.
“Hindi sila (G-Cash) dapat sa akin magpaliwanag, kung hindi sa publiko na natulog lang tapos paggising ay balot na ng takot dahil sa pagkawala ng kani-kanilang pera, magkagayun man ay aasahan natin ang kanilang pangako na aayusin na nila ang problemang ito at sana totoong kanilang tutuparin,” pahayag pa ni Revilla.
Ipinangako ng G-Cash na isasauli nito ang lahat ng mga perang nawala kaakibat ng pagpapatupad ng mga bagong security, reliability at transparency measures para hindi na maulit ang ganitong pangyayari.
Dahil sa system shutdown ng G-Cash ay may 81 milyong users ang naapektuhan na hindi nakapag-access o makapagbukas ng kanilang G-Cash at nasa 1,472 ang napaulat na nakaranas ng unauthorized transactions.
“’Yung perang nawala sa account ay puwedeng maibalik ng Globe pero ‘yung ilang oras na kabang idinulot nila sa marami nating kababayan, lalo na ‘yung mga mahihirap at mga senior citizen na labis ang pag-aalala ay walang kapalit na halaga” giit pa ni Revilla.
