
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Pinoy na pawang biktima ng illegal recruitment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Itinago ng BI ang pagkakakilanlan ng apat na biktima na kinabibilangan ng tatlong kababaihan at isang lalaki na pawang may edad 20-anyos hanggang 30-anyos bilang pagsunod sa batas laban sa human trafficking.
Agad itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang apat na biktima para tulungan sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiters.
Ayon sa BI, nakatanggap ito ng impormasyon sa pamamagitan ng email na may apat na Pinoy ang nakatakdang umalis ng bansa at magtatrabaho sa online casino sa bansang Cambodia.
Nang makita ang mga biktima sa NAIA ay agad na minanmanan ang mga ito kung saan nang dumaan sa immigration counter ay nagsabing magbabakasyon lamang sa nasabing bansa at hindi magtatrabaho dahil may pinapasukan ang mga itong trabaho sa bansa.
Gayunpaman sa imbestigasyon, inamin ng mga ito na na-recruit ang mga ito bilang mga telemarketer para sa isang online gaming company at naengganyo sa ipinangakong buwanang suweldo na 800 USD.
Nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco sa mga propesyonal at hinimok na mag-ingat at maging mapagbantay laban sa pagiging biktima ng mapanlinlang na mga recruitment scheme.
“Beware of schemes that promise legitimate call center jobs but ultimately lead individuals into engaging in criminal activities abroad. It is crucial to verify the authenticity of job offers and protect one’s own interests. We are committed to safeguarding the rights and welfare of our fellow citizens,” ayon sa BI official.
Ipinaalala nito sa mga nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers upang matiyak ang kanilang proteksyon mula sa mga human traffickers at illegal recruiters.
