Dagdag allowance ng public school teachers lusot na sa Senado

Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Ni NOEL ABUEL

Magandang balita sa lahat ng public school teachers sa bansa.

Ito ay matapos na pumasa sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1964 o ang ‘Kabalikat ng Pagtuturo Act’ na iniakda at ini-sponsor mismo ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. na naglalayong dagdagan ang allowance ng public school teachers.

Sa plenaryo, walang kumontra sa 24 na Senador sa ginanap na botohan hinggil sa panukalang batas na mas kilala sa tawag na ‘chalk allowance’ na ilang hakbang na lamang ay inaasahang magiging isang ganap na batas na.

Sa ilalim ng SBN 1964, ang teaching allowance ay unti-unting tataas mula sa kasalukuyang P5,000 ay magiging P7,500 para sa school year 2023-2024 at P10,000 para sa school year 2024-2025 hanggang sa mga susunod pa at ang karagdagang benepisyong ito ay hindi kakaltasan ng buwis.

Sa sponsorship ni Revilla noong nakaraang linggo, ay sinabi nitong naoobliga ang mga teacher na maglabas ng sariling pera para makabili ng mga materyales at iba pang supplies na ginagamit sa pagtuturo at hindi na sapat ang tinatanggap na P5,000 kada taon o P24 kada araw.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, sinabi pa ni Revilla na ang kasalukuyang cash allowance ay kabilang na ang P500 alokasyon para sa medical examination, na kung ibabawas pa umano ang gastos sa teaching materials ay bababa pa sa P22 kada araw.

Sinasabing ang isang kahon ng chalk ay nagkakahalaga ng P68, at ang ream ng bond paper ay P120 at internet load na pangunahing kailangan sa pagtuturo lalo noong kasagsagan ng pandemya.

“Salamat po sa ating mga kasamahan dito sa Senado sa buung-buong suporta sa panukalang ito. With the passage of ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’, we are giving our dear teachers an assurance that they will always have the Senate as their ally in advocating, pushing, and fighting for their welfare. Isang hakbang pa lamang ito sa marami pa rin nating mga ipapasang panukala para sa kapakanan ng ating mga guro,” paliwanag pa ni Revilla.

Kaugnay nito ay nanawagan din si Revilla sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ikonsidera ang pagpasa sa naturang panukala upang matulungan ang mga pampublikong guro.

“Naipasa na ng Senado ang panukalang ito sa 17th at 18th Congress, kaya sana naman ay makita ng ating mga kasama sa Lower House ang kalahagahan nito para sa kapakanan ng ating mga guro na siyang humuhubog sa kaalaman ng ating mga anak,” paliwanag pa ni Revilla.

Leave a comment