Pagkamalikhain ng 40 Pinoy artists pinuri

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Alan Peter “Compañero” S. Cayetano ang talento ng 40 Filipino street artists bilang “world class” sa kanilang showcase ng street art, graffiti, at mural sa ‘Meeting of Styles’ festival na idinaos ng lungsod ng Taguig kamakailan.

Ang ‘Meeting of Styles’ festival, na kinilala bilang pinakamalaking street art festival sa buong mundo, ay ginanap sa kahabaan ng Laguna Lakeshore, kung saan muling ginamit ng mga artists ang mga container van — na dating ginamit bilang COVID-19 quarantine facility — bilang kanilang bagong canvas.

“World class talaga ang mga Pinoy! Even ‘yung mga visiting artists natin ay natutuwa sa creativity nating mga Pinoy,” wika ng senador sa isang Facebook Live kasama ang kanyang asawang si City of Taguig Mayor Lani Cayetano sa art festival.

“It actually doesn’t take much. Hindi kinakailangan ng milyong pera, ang kailangan po ay puso talaga, pag-ibig sa Diyos, sa kapwa, and of course, talent!” dagdag nito.

Ang 40 Filipino artists na sumali sa art fest ay nagmula sa Taguig at iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at sumali rin ang 10 international artists sa art festival at tumulong na bigyang ganda at kulay ang quarantine facility.

Sa pakikipag-usap sa street artist na si Trip, binanggit ni Cayetano kung paano kinikilala ngayon ang graffiti, street art, at mural bilang natatangi at ganap na art form sa iba’t ibang lungsod sa buong bansa.

“Now everyone is seeing the beauty of it [street art] and its expression. The world is your canvas for the right messages and expression for the community,” sabi ng senador kay Trip.

Sa video, sinabi rin ni City of Taguig Mayor Lani Cayetano na inaabangan ng kanilang city government na makipagtulungan kasama ang Department of Education (DepEd) sa pagpapalawak ng karanasan ng kabataan sa sining.

Pinuri rin ni Mayor Lani ang DepEd officials mula sa Taguig-Pateros na lumahok din sa event at sumuporta na ilapit ang kabataan sa sining.

Lumahok at nagpakita rin ng suporta ang ilang opisyal ng Lungsod ng Taguig tulad nina Taguig-Pateros Rep. Ricardo “Ading” Cruz, City of Taguig Vice Mayor Arvin Alit, District 1 and 2 Councilors, DepEd OIC SDS Dr. Cynthia Ayles at Assistant SDS Quinn Norman Arrezza, DepEd Art Teachers, at Sangguniang Kabataan officials ng Taguig.

Leave a comment