Pekeng government employee naharang sa NAIA 1

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng dokumento.

Ayon sa Bureau of Immigration’s (BI) Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), nasagip ang 43-anyos na biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 .

Nabatid na nang dumaan sa primary inspection ang biktima ay nagduda ang mga immigration personnel sa ipinakita nitong travel documents na nagsasabing nagtatrabaho ito sa isang ahensya ng pamahalaan.

Nang isailalim sa secondary inspection ay napatunayan na peke ang ipinakitang travel documents ng biktima kung kaya’t pinigilan itong makasakay sa Philippine Airlines flight patungong Singapore.

Ang travel authority ay isang dokumento na kailangang ipakita ng lahat ng government employees na nagpapatunay na aprubado ang pagbiyahe ng mga ito sa ibang bansa.

Sa imbestigasyon, hindi masagot ng biktima kung saan ito nagtatrabaho kung saan sa huli ay inamin nito na na-recruit ng isang kaibigan at nagbayad ito ng P15,000.

Sinabi ng biktima na natanggap nito ang kanyang travel documents ilang sandali bago ito umalis sa paliparan.

Inamin din nito na ang kanyang tunay na destinasyon ay sa Dubai, kung saan aminado itong maghahanap ng trabaho o maghintay ng kanyang visa para sa Lebanon.

Agad na dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang biktima para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng naaangkop na mga kaso laban sa kanyang recruiter.

Leave a comment