
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang mahigpit na pagpapatupad sa mga hakbangin ng gobyerno na ipatupad ang mungkahing suggested retail price ng sibuyas upang maprotektahan ang mga mamimili mula sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo nito.
Sa ambush interview, sinabi ni Go na nababahala ito na ilang bahagi ng Metro Manila ang mataas pa rin ang presyo ng sibuyas kung kaya’t nanawagan ito sa remain Department of Trade and Industry (DTI) na i- monitor at ipatupad ang SRP nito.
“Nababalitaan natin, meron pong mga as high as PhP200 per kilo d’yan po sa Guadalupe Market sa Makati, sa Marikina sa Mega Q Mart po sa Quezon City. At trabaho po ng ating DTI na i-check talaga ang presyo at kung maaari kasuhan po ang mga lumalabag,” sabi ni Go.
Upang matugunan ang isyu, iminungkahi ni Go na imbestigahan ang mga posibleng hoarding o pag-iimbak na maaaring mag-ambag sa pagtaas ng presyo ng sibuyas.
“Bakit mataas ang presyo? Baka mataas din ang bili nila, ‘yung puhunan nila. Bakit mataas? Maaari bang merong nagho-hoard, meron bang nagtatago ng supply kaya tumataas ang presyo. ‘Yun ang dapat silipin,” sabi ni Go.
Nanawagan ang senador sa mga law enforcement agencies gaya ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, at Bureau of Customs na tiyakin na naipatutupad ang batas.
Sa paggiit ng Anti-Smuggling Law, binanggit ni Go ang pangangailangan na magpataw ng mas mahigpit na parusa, kabilang ang pagkakulong sa mga nagkasala na nagsasamantala sa merkado at lumalabag sa itinakdang price ceiling.
“’Yung talagang nagsasamantala, totohanang hulihin, ikulong, kasuhan. ‘Yan po ang pakiusap ko sa gobyerno,” giit nito.
Ipinatupad ng Department of Agriculture noong Lunes ang mga regulasyon sa presyo ng sibuyas. Ang mga limitasyong ito ay nakabatay sa “cold storage price” at nakatakda sa PhP115 kada kilo para sa pulang sibuyas at PhP100 kada kilo para sa puting sibuyas.
