
NI NOEL ABUEL
Nilinaw ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi pa ligtas si dating Philippine National Police (PNP) chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa usapin ng ‘cover up’ sa kontrobersyal na pagkakasabat ng nasa 1 toneladang shabu at pagkakadakip kay Master Sgt. Rodolfo Mayo.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Dela Rosa na hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa nasabing usapin ay hindi pa masasabing walang kinalaman si Azurin sa kaso.
Aniya, kahit sinasabi ni dating PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) chief Brig. Gen. Narciso Domingo na alam ni Azurin ang tangkang pagtatago kay Mayo matapos mahuli ay hindi pa malinaw kung totoo ito.
Sinabi pa ni Dela Rosa na maging si Domingo ay may itinatago kung kaya’t posibleng magbago na ito ng pahayag habang nagpapatuloy ang pagdinig ng komite.
“He is not off the hook,” sabi nito na nilinaw na sa itinatakbo ng pagdinig ay wala pang ebidensya na may kinalaman si Azurin sa “cover up”.
Una nang itinanggi ni Azurin na may cover-up na nangyari nang maaresto si Mayo at makumpiska ang nasabing illegal na droga na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.
Aniya, aminado itong inaprubahan nito na gamitin si Mayo para mahuli ang iba pang malalaking sangkot sa illegal drugs trade subalit hindi naman umano kasama dito ang usapin na itago at palayain si Mayo.
Samantala, tiwala si Dela Rosa na malaking tulong si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa illegal na droga kung kaya’t sang-ayon ito na gawing drug czar ang ang huli.
“Depende sa Malacanang at depende if they are willing to give kay former PRRD at syempre depende rin kung nabi-board na siya sa Davao,” sabi nito.
Paliwanag pa ni Dela Rosa, si Duterte ay kinatatakutan ng mga tinaguriang ninja cop at drug syndicate kung kaya’t malaking tulong ito para mawala ang illegal na droga sa bansa.
Ganito rin ang pahayag ni Senador Christopher “Bong” Go sa pagsasabing kailangan ng kamay na bakal para labanan ang sindikato ng droga.
Aniya, kung sakaling tanggapin ni Duterte ang alok na maging drug czar ay dapat na may ngipin ito upang matakot ang mga pulis na masangkot sa operasyon ng illegal na droga.
Bagama’t prerogative aniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naniniwala itong malaki ang maitutulong sa paglaban sa illegal na droga.
