
NI NERIO AGUAS
Nakatakda nang ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na wanted sa bansa matapos na magpakilalang isang Filipino.
Nabatid na si Tai Fang Ching, 60-anyos, ay nadakip ng mga tauhan ni BI Intelligence Division chief, Fortunato Manahan Jr., noong May 16 sa kahabaan ng F.B. Harrison Street sa Ermita, Manila.
Nagsagawa ng operasyon ang BI Intelligence Division at armado ng warrant of deportation na inilabas ng BI board of commissioners noong Hulyo ng nakaraang taon laban kay Tai dahil sa pagiging undesirable alien.
“Aliens who flaunt and make a mockery of our immigration and citizenship laws do not deserve the privilege to stay here. They should be expelled and banned from re-entering the country,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Sa record ng BI, si Tai ay nagkunwang isang Fiipino sa pangalang Albert Torres Abaya nang maghain ito ng incorporation papers sa negosyo nito sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Nagawa rin nitong magamit ang pekeng pangalan para makakuha ng driver’s license mula sa Land Transportation Office (LTO) at nagawang iparehistro ang negosyo nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng iba pang public documents.
Kasalukuyang nakadetine si Tai sa BI warden facility in Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda na ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng China.
