
NI NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Chiz Escudero na mali na nakasentro sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa usapin ng mataas na singil sa kuryente sa bansa.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Escudero na dapat ay ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang dapat na magpaliwanag dahil ito ang tanging regulatory agency ng gobyerno na inaatasang magbantay kung may pagmamalabis at pang-aabuso ang NGCP o ang pribadong sektor.
“Ang dapat hilingan ng paliwanag at panawagan dapat naka-address sa ERC. Lahat ng amount na nakalagay sa electric bill nating lahat, lahat ‘yan dumaan at pinayagan ng ERC, at inamin mismo ng ERC sa pagdinig ng Senado na pinayagan nila ang pagsingil ng NGCP sa mga proyektong ginagawa pa lang at hindi pa tapos,” sabi ni Escudero.
Aniya hindi dapat na ang NGCP kundi ang ERC ang maging bida sa pagdinig dahil ang huli ang kailangan na magpaliwanag kung bakit nangyayari ito.
“Ang NGCP ay isang pribadong kumpanya, negosyo ‘yan, huwag mo silang pulaan kung gusto nilang kumita. Syempre ipinanganak ang pribadong kumpanya para kumita. Pinanganak din at nilikha ang regulatory agency tulad ng ERC na bantayan at tiyakin na walang pang-aabusong ginagawa sa merkado ang pribadong sektor,” sabi pa ng senador.
Nanindigan din ito na trabaho ng ERC ang bantayan ang galaw ng mga NGCP at dahil dito kung may ipinapatupad na proyekto ang huli ay ang una ang dapat na tumingin dito.
“Nangyari ito dahil pinayagan ng ERC. So magandang tanungin bakit pinayagan ng ERC na maningil ang NGCP sa mga proyektong hindi pa naman tapos at pinapakinabangan ng mga consumers,” sabi pa ni Escudero.
Suhestiyon pa nito na maaaring ang consumer ang maghain ng reklamo sa ERC para imbestigahan ang NGCP kung may paglabag ang mga ito.
Dagdag pa ni Escudero, walang makakalusot na sobrang singil sa kuryente kung hindi ito pinayagan ng ERC kung kaya’t ito ang dapat na pagpaliwanagin at hindi ang NGCP.
