Habagat asahan nang magdadala ng pag-ulan – PAGASA

NI MJ SULLIVAN

Asahan na ang pag-ulan sa mga susunod na araw dahil sa hanging habagat na dinala ng bagyong Betty habang lumalayo papalabas ng bansa.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mas pinaigting ng bagyong Betty ang Southwest Monsoon ngayong buong linggo na asahan na magdadala ng malalakas na pag-ulan.

Bukas ng umaga, uulanin ang katimugang bahagi ng MIMAROPA at Western Visayas habang sa Miyerkules ay mararanasan na rin ang malalakas na pag-ulan sa katimugang bahagi ng CALABARZON at Central Luzon.

Pagsapit ng Huwebes, ang monsoon rains ay mararanasan sa katimugang bahagi ng MIMAROPA; sa buong Ilocos Region at katimugang bahagi ng Central Luzon, CALABARZON at Western Visayas.

Dahil sa lakas ng pag-ulan ay magdudulot ito ng pagbaha, pagguho ng lupa.

Sa pinakahuling datos ng PAGASA, ang typhoon Betty ay mabilis na kumikilos hilagang-kanluran sa karagatan ng silangan ng Cagayan.

Ang sentro ng typhoon Betty ay nasa 525 km silangan ng Aparri, Cagayan at kumikilos sa bilis na 20 km/h taglay ang lakas na hangin na 155 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 190 km/h.

Nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 2 sa Batanes, sa silangang bahagi ng Babuyan Islands  kasama na ang  Camiguin Island, Didicas Island, Pamuktan Island at ang hilagang-silangan ng bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana).

Habang ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, ang nalalabing bahagi ng mainland Cagayan, Isabela, Quirino, ang hilagang-silangan ng Nueva Vizcaya (Kasibu, Quezon, Solano, Bagabag, Diadi, Villaverde, Bayombong, Ambaguio), Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler), Polillo Islands, hilagang bahagi ng Catanduanes (Caramoran, Viga, Gigmoto, Panganiban, Bagamanoc, Pandan), hilagang bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Garchitorena, Lagonoy, Tinambac, Siruma), at ang hilagang bahagi ng Camarines Norte (Vinzons, Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Talisay, Daet, Mercedes, Basud).

Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan o pagkulog pagkidlat.

Ayon pa sa PAGASA, inaasahang sa araw ng Biyernes ay tuluyan nang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Betty na hihina na bilang severe tropical storm.

Leave a comment