NAIA ikabit sa mga power plant– solon

Milyong piso matitipid ng gobyerno

Rep. Wilbert Lee

Ni NOEL ABUEL

Iminungkahi ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at lahat ng paliparan sa bansa na maglagay ng direktang koneksyon sa mga planta ng kuryente upang mabawasan ang gastos sa kuryente sa halip na umasa sa serbisyo ng isang utility provider.

Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Transportation sa patuloy na pag-uusisa ng mga kongresista sa insidente ng power shutdown na nagdulot ng kanselasyon ng flight sa NAIA noong Mayo 1, ipinunto ng mambabatas na ang direktang pagkonekta sa mga paliparan sa mga planta ng kuryente ay magiging mas mura para sa gobyerno.

“Hindi ba dapat tingnan natin na direct connection na lang lahat ang ating mga airports, kasi ang laki ng matitipid dito. If we’re talking of 40% of P40 million per month electricity bill of NAIA Terminal 3, it’s about 16 million every month,” pahayag ni Lee.

“Kapag pinagsama-sama natin ang lahat ng airports sa Pilipinas, napakalaking tipid po nito,” dagdag pa nito.

Sinabi ng mambabatas mula sa Bicol na ang financial resources na maaaring matipid ng gobyerno ay magagamit sa iba pang serbisyo publiko na nangangailangan ng agarang pondo.

“Hindi po unlimited ang pera ng gobyerno. Ito po ay buwis na pinaghihirapan ng taumbayan na dapat ding bumalik sa kanila bilang benepisyo. Kaya dapat ma-consider ng gobyerno itong mungkahi natin na direct connection ng airports. Winner tayo lahat sa laki ng matitipid dito na puwede nating magamit sa iba pang social services,” paliwanag pa nito.

“Isang paraan ito para mapagaan ng gobyerno ang pasanin ng ating mga kababayan. Bawat piso na matitipid natin dito, piso po ito na mapupunta sa ating mga health care services na kailangang-kailangan ng pondo, sa ating mga kababayan na walang bahay, sa ating mga magsasaka na food producer pero hindi makabili ng kanilang pagkain,” dagdag pa ng kongresista.

Noong Mayo 22, inihain ni Lee ang House Resolution No. 1007 na humihimok sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Manila International Airport Authority (MIAA), at Manila Electric Company (Meralco) na makipag-ugnayan at pumasok sa isang special service contract na isinasaalang-alang ang mga technical requirements ng operasyon at pagpapanatili ng NAIA, at tinitiyak na ito ay ginagaya sa lahat ng paliparan at sa kani-kanilang energy supplier sa buong bansa.

“NAIA terminals must not only be regarded as a regular business customer of Meralco but also be prioritized along with its technological needs and requirements given the highly particular technical requirements and maintenance through a ‘special service contract,'” ani Lee.

“Hindi po natin dapat hayaan ang mga airports natin all over the country na laging may problema sa operations at mag-cancel ng mga flight. Hindi lang po image natin ang apektado dito, kundi pati ang kabuhayan ng ating mga kababayan, ang turismo at mga negosyong nagbibigay ng trabaho sa Pilipino, at sa pangkalahatan, ang ating ekonomiya,” pahayag pa nito.


Leave a comment