
Ni NOEL ABUEL
Muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan sa mga kaso na kinasasangkutan ng mga karumal-dumal na krimen na may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa isang ambush interview pagkatapos ng personal na pagtulong sa mga residente ng Sariaya, Quezon, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang magtanim ng takot sa mga kriminal at itinampok ang mapangwasak na epekto ng mga paglabag na may kinalaman sa droga sa hindi mabilang na mga inosenteng buhay at pamilya.
“Alam n’yo, basta involved sa heinous crime, dapat talaga lethal injection. Kailangan takutin mo talaga. Alam mo kung bakit? Ito, ang drogang ito, ilang buhay po ang wawasakin nito. Bawat gramo, bawat kilo, ilang buhay po ang sisirain? Ilang pamilya ang sisirain?” sabi ni Go.
Binigyan-diin nito na ang parusang kamatayan, kung ipapatupad, ay maaaring maging hadlang sa mga karumal-dumal na krimen.
“Sang-ayon po ako d’yan para takutin talaga. Hindi lang takutin, talagang tuluyan mo ang mga tao na walang ginagawa kundi pumatay din ng tao. Kasi kapag pumasok ka sa droga, sisirain mo, wawasakin mo ang buhay ng kapwa mo Pilipino,” giit ni Go.
Tinukoy pa ng senador ang pagsisikap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang kalakalan ng iligal na droga at ang mga problemang idinulot nito sa lipunan.
Ayon kay Go, kapag bumaha ang droga sa mga lansangan, hindi maiiwasang sumunod ang krimen at katiwalian.
“Kaya ganu’n na lang po ang galit ni (dating) Pangulong Duterte sa iligal na droga. Kapag pumasok po ang droga, papasok po ang kriminalidad, papasok po ang korapsyon. Mabibili po ‘yan. ‘Yan po ang kinatatakutan natin dito, kapag bumalik po ang iligal na droga, hindi na po magiging safe maglakad ang mga anak natin,” sabi ni Go.
