2 Pinay na magtatrabaho bilang entertainers sa SG nasabat sa CIA

NI NERIO AGUAS

Naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinay na biktima ng human trafficking at ni-recruit para maging entertainers sa Singapore sa Clark International Airport.

Ayon sa ulat ng travel control and enforcement unit (TCEU), ang dalawang biktima na may edad 25-anyos at 34-anyos ay nagkunwang mga turista at pasakay ng Scoot Airlines flight sa Clark International Airport (CIA) noong nakalipas na Mayo 27.

Sabi pa sa ulat, itinanggi ng mga biktima na hindi magkilala ang mga ito at nanindigan na bibiyahe sa ibang bansa ng solo para magbakasyon.

Subalit nang isailalim sa imbestigasyon at beripikasyon, natuklasan na may hawak ang mga itong active work permits sa Singapore para maging entertainers.

Sa huli, inamin ng mga biktima na nagbayad ang mga ito ng P30,000 at P15,000 para sa pagpoproseso ng kanilang dokumento kung saan inatasan ito ng kanilang recruiter na magkunwang turista para hindi mabunyag ang tunay na dahilan ng biyahe ng mga ito.

 “In many cases, these victims are made to believe that they will be working as entertainers, but many end up forced to work in sex trade. This is a clear case of human trafficking, wherein the victims are instructed to pretend to be tourists,” ayon sa BI.

Kasalukuyang dinala sa CIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para sa kaukulang tulong at pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiters.

Leave a comment