
NI MJ SULLIVAN
Patuloy na makakaranas ng malalakas na pag-ulan na may kasamang malakas na hangin ang lalawigan ng Batanes dahil sa epekto ng Typhoon Betty na pinaigting pa ang hanging habagat.
Sa inilabas na 24-hour weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ganap na alas-3:00 ng hapon nang mamataan ang sentro ng bagyo sa layong 315 km silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas na hanging nasa 150 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 185 km/h.
Kumikilos ito ng mabagal patungong hilaga at ang hanging habagat ay magdadala ng malalakas na ulan na may kasamang pagkulog sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang buong Batanes ay magiging maulan na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa kasama ang malakas na hangin.
Habang ang Babuyan Islands, Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, at Ilocos Norte ay magiging maulan din na may masungit na hangin na maaari ring magdulot ng pagbaha at landslides.
At ang MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, ang nalalabing bahagi ng Ilocos Region, ng Cordillera Administrative Region, at ang Cagayan Valley ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa epekto ng hanging habagat.
Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan dahil din sa habagat.
Ibinaba na rin ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 2 sa ilang lalawigan at tanging ang Batanes ang nasa ilalim nito.
Habang ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 naman ay sa hilaga at silangang bahagi ng Isabela (Santo Tomas, Santa Maria, Quezon, San Mariano, Dinapigue, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Palanan, Quirino, Divilacan, Gamu, Maconacon, Naguilian, Mallig), Apayao, at silangang bahagi ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Marcos, Pagudpud, Banna, Adams, Carasi, Dingras, Solsona, Dumalneg, Nueva Era), hilagang bahagi ng Kalinga (City of Tabuk, Balbalan, Pinukpuk, Rizal), ng hilagang bahagi ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong) at Cagayan kasama ang Babuyan Islands. Gayundin ang Visayas at Mindanao.
Ang Southwest monsoon at sa labas ng bagyo ay magdadala ng malakas na ulan at hangin sa loob ng 24-oras sa Bicol Region, Western Visayas, Aurora, Quezon, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Northern Samar, at nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region at Ilocos Norte.
