PhilHealth pinaalalahanan ni Sen. Go

P25.1B insurance premium sa mahihirap ingatan

Ni NOEL ABUEL

Pinaalalahanan ni Senador Christopher “Bong” ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na maging maingat at mahusay sa paggamit ng pondo ng bayan matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng PHP25.1 bilyon na insurance premiums para sa 8,385,849 na kuwalipikado at nakatalang mga mahihirap.

“Nagagalak po tayo na nakapag-release na po ng P25.1 billion na pondo po para sa one-year health insurance, PhilHealth premium po ito ng 8.3 million qualified Filipino indigents,” ayon sa senador.

“Lalo na po sa panahon ngayon na dahan-dahan pang bumabangon ang ekonomiya, marami sa mga kababayan natin ang nawalan po ng trabaho at hanapbuhay, malaking bagay po ‘yon na sasagutin ng PhilHealth ang kanilang pagbayad sa medical services, (itong) mga mahihirap nating kababayan. Maa-avail po nila ang medical services rin po thru PhilHealth, ito pong Universal Health Care dahil bawat Pilipino po ay miyembro po ng PhilHealth,” paliwanag pa nito.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang pondo ay galing sa mga authorized allotments sa 2023 National Budget.

“The COVID-19 pandemic made us realize the importance of a stronger healthcare system, so we are working hard to make it more accessible to the people, especially those who need it the most,” sabi ni Pangandaman.

Sinabi pa ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang pag-apruba ng DBM ng badyet ng PhilHealth ay nagpapahiwatig ng isang makabuluhang hakbang patungo sa pagtiyak ng patuloy na operasyon at epektibong pagpapatupad ng mga programa sa pangangalagang pangkalusugan.

“Ako naman bilang senador, talagang isinulong natin ito, itong special provisions sa 2023 GAA to use the increase of PhP21 billion we allocated na subsidy for PhilHealth, for the improvement ng kanilang mga benefit packages, including po ‘yung para sa mga dialysis at medical, including (din) po ‘yung mental health coverage po,” sabi ni Go.

“Asahan n’yo po bilang chairman ng Committee on Health, gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya at ang apela ko po sa PhilHealth na siguraduhin natin na up to the last centavo, nagagamit po ang pondo ng taumbayan at walang masayang dahil bawat piso, bawat sentimo ay napakahalaga po ‘yan,” dagdag pa nito.

Leave a comment