
Ni NOEL ABUEL
Mahaharap sa 20-taong pagkakakulong ang sinumang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at iba pang uniformed personnel na magsisinungaling sa isinasagawang pagdinig ng Kongreso.
Ito ang nakasaad sa inihaing Senate Bill 2265 ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla kung saan layon nito na mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno lalo na sa mga pulis, militar at ibang uniformed services.
Ayon kay Paddilla, ihinain nito ang panukala matapos nai-cite in contempt ang mga pulis na hindi nagsabi ng totoo sa mga senador na nag-iimbestiga sa diumano’y pagkasangkot ng ilang pulis sa iligal na droga.
“While the Revised Penal Code of the Philippines currently criminalizes perjury and false testimony, the current penalties are not commensurate with the consequences of receiving false testimonies from government personnel during Congressional proceedings in addressing and protecting the public interest,” ani Padilla sa kanyang panukalang batas, ang panukalang “Truthful Congressional Inquiry Act.”
“Thus, this amendment seeks to introduce a higher penalty for military and uniformed personnel who commit perjury in any congressional proceeding. It is an attempt to further safeguard the truth and increase the deterrent for making false statements, particularly within institutions central to the maintenance of peace, order, and national security,” dagdag nito.
Paliwanag pa ni Padilla, paparusahan ng panukalang batas ang mga empleyado ng gobyerno na gagawa ng maling pahayag sa imbestigasyon na ginagawa ng Kongreso bilang bahagi ng oversight function o sa paggawa ng batas.
Kulong na hanggang 10-taon ang naghihintay sa empleyado ng gobyerno na magbibigay ng maling pahayag partikular tungkol sa mga krimen tulad ng rape (RA 7659); Title 7 (crimes committed by public officers) of Act No. 3815; at paglabag sa Government Procurement Act; National Internal Revenue Code; Tariff and Customs Code; Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016; Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Revised Corporation Code; Anti-Money Laundering Act of 2001; Dangerous Drugs Act of 2002; Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; Anti-Terrorism Act of 2020; Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012; at Omnibus Election Code.
Habang ang parusa na 20-taong kulong ay para sa mga lumabag na miyembro ng AFP, PNP, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), National Mapping and Resource Information Agency (NAMRIA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Immigration (BI), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Bureau of Customs (BOC).
Maliban sa pagkakakulong ay pagmumultahin ng hanggang P3 milyon, kasama ang pagbabawal na magkaroon ng pwesto sa pamahalaan habambuhay.
Kamakailan, kinalungkot ni Padilla ang pag-invoke ng ilang pulis sa kanilang karapatan para manahimik, para hindi lumabas ang katotohanan tungkol sa pagkasangkot ng ilang kapwa pulis sa iligal na droga.
“Ito po bang mga akusadong ito na hindi nagsasabi at dinadaan kami sa lagi nilang ‘I invoke my right to remain silent, I invoke my right against self-incrimination,’ parang nagbobolahan na lang po kami doon … masakit sa atin para tayong pinag-ikot-ikot,” ani Padilla.
