
Ni NOEL ABUEL
Umaasa ang isang kongresista na tuluyan nang maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang ideklarang non-working holiday ang panahon ng eleksyon.
Sa kanyang co-sponsorship speech sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni 4Ps party list Rep. JC M. Abalos na mahalaga ang bawat eleksyon sa mga Filipino kung kaya’t dapat na lahat ay mabigyan ng pagkakataon na bumoto.
Sa ilalim ng House Bill No. 8187, o ang Election Holiday Act, naglalayon nitong itatag ang National Election Day bilang isang non-working holiday na binibigyan-diin ang kahalagahan ng demokratikong partisipasyon at tinitiyak ang walang hadlang na paggamit ng karapatan ng bawat mamamayan na bumoto.
Binigyan-diin din nito ang kahalagahan ng HB 8187 bilang isang aktibong hakbang tungo sa pagpapalakas ng demokrasya.
“That in the minds of every voter, they should never have to make a choice between the future of our nation and their ability to earn a day’s wage to support their family,” sabi ni Abalos.
Sa kasalukuyan, ang pambansang halalan ay idinesenyo bilang isang special non-working holiday sa pamamagitan ng isang Presidential Proclamation na inilabas ilang sandali bago ang bawat pambansang halalan.
Ang klasipikasyong ito aniya ay nangangahulugan na ang mga manggagawang pipili na huwag magtrabaho sa araw na iyon ay hindi makakatanggap ng kabayaran dahil sa patakarang “no work, no pay”.
At kung gagawin aniya itong regular non-working holiday ay magtitiyak na ang mga sahod na manggagawa ay maaari pa ring kumita na nagtataguyod ng pagiging patas at nagpapatibay sa kanilang kahalagahan sa demokratikong proseso.
Binigyan pansin ni Abalos ang epektong naobserbahan sa mga bansa kung saan ang araw ng halalan ay isang regular non-working holiday, na may average rate ng turnout na mula 75% hanggang 95%.
“Consider the potential impact if we were to establish an election day that eliminates the constraints of work or other obligations, thereby creating a day that is more convenient and enables citizens to regard themselves as an integral part of the electoral process,” paliwanag pa ni Abalos.
Bilang karagdagan sa mga benepisyo, iginiit ni Abalos ang kahalagahan ng House Bill No. 8187, na nagsasaad na baguhin ng mga botante ang pananaw sa eleksyon na karapatan ng mga ito na dapat ipagdiwang.
