Korean fugitive naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Isa na namang Korean national ang inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa iba’t ibang kaso sa bansa nito.

Kinilala ni BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr. ang nasabing dayuhan na si Kim Seonjeong, 37-anyos, na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong nakalipas na Mayo 27.

Ayon pa kay Manahan si Kim ay dumating sakay ng Cebu Pacfic flight mula Ho Chi Minh, Vietnam nang arestuhin ng mga tauhan ng border control and intelligence unit (BCIU) sa paliparan.

Nabatid na nang ipakita ni Kim ang pasaporte nito ay natuklasang peke ito at nakita na iniulat ito sa Interpol na ninakaw at lost travel document.

Sinasabing agad na inalerto ng Immigration supervisors ang mga BCIU agents nang makita sa Interpol database ang pangalan ng nasabing Koreano.

Base sa impormasyon ng Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Kim ay nahatulan at wanted sa Korea dahil sa kasong fraud, inflicting physical injuries at drunken driving.

Sa record, noong Oktubre 2018 nang umutang ng 30 million won o katumbas ng
US$23,000 si Kim sa nabiktimang kababayan na babayaran nito ng 100 million won sa loob ng 3 buwan.

Sinasabing nangakong si Kim na gagamitin nito sa casino business ang pera ngunit ang totoo ay ibinulsa na ang pera bago tumakas at nagtangkang magtago sa Pilipinas.

Ayon sa BI, agad na isasailalim sa summary deportation proceedings ang dayuhan bago tuluyang ipa-deport pabalik ng Korea upang harapin ang kaso nito.

Leave a comment