
NI NOEL ABUEL
Tuluyan nang ipinasa ng Senado ang kontrobersyal na panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) sa ginawang marathon session.
Alas-2:32 ng madaling-araw nitong Miyerkules (May 31, 2023) nang magbotohan ang mga senador sa ikatlo at huling pagbasa sa Senate Bill no. 2020 at tuluyang ipasa ang panukala sa pamamagitan ng botong 19 na pabor, isang tutol at isa ang nag-abstain.
Gaya ng inaasahan, tumutol sa panukala ang miyemro ng minorya na si Senador Risa Hontiveros habang nag-abstain si Senador Nancy Binay at wala naman sa botohan sina Senador Imee Marcos, Chiz Escudero at Koko Pimentel.
Sa inaprubahang bersyon, tinanggal ang probisyon na nagpapahintulot sa mga government financial institutions (GFIs) at Government Owned and Controlled Corporations (GOCCS) na mag-invest sa MIF Bill.
Nagpasalamat naman si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga kapwa nito senador sa sipag na matapos ang pagtalakay sa isa sa priority measures ng administrasyong Marcos.
“The MIF is a sovereign wealth fund that will be used to invest in a wide range of assets, including foreign currencies, fixed-income instruments, domestic and foreign corporate bonds, commercial real estate and infrastructure projects. The fund is expected to generate income for the government and help promote economic development,” ayon sa panukala.
Ang panukalang batas ay tinatalakay sa kasalukuyan sa bicameral conference committee upang pagkasunduan ang bersyon ng Senado at Kamara.
Samantala, pinatitiyak naman ni Senador Alan Peter Cayetano sa MIF na siguruhin na magiging matagumpay at makikinabang ang mg Filipino.
“Huwag lang nating ipasa ito na may tamang safeguards, ipasa na rin natin ito to make sure that it meets the objective na kumita ito at that the money goes to the Filipino people,” sabi pa ni Cayetano.
Nanindigan naman si Cayetano na susuriin pa rin nito ang MIF at walang kikilingan upang hindi ito maabuso.
“Our duty is to pass a law that will make sure that the proper safeguards are there, precisely para hindi maabuso at magamit sa masama. Meaning ‘yung public funds ay para sa publiko,” giit pa ng senador.
Samantala, isinusulat ang balitang ito ay patuloy ang isinasagawang bicameral conference committee sa Manila Golf Club kung saan closed-door ang nasabing pag-uusap ng mga senador at kongresista.
Kasama sa mga senador na kasama sa Bicam si Senador Mark Villar, Senador Alan Peter Cayetano, Senador Pia Cayetano, Senador Win Gatchalian, Senador Francis Tolentino at Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Habang sa panig ng Kamara, ay sina Reps. Erwin Tieng, Stella Luz Quimbo, Joey Salceda, Ralph Recto, Felimon Espares at Wilbert Lee.
