2 Pinay na nagkunwang seafarers naharang sa CIA

NI NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga ang dalawang Pinay na biktima ng human trafficking makaraang magtangkang lumabas ng bansa sa pamamagitan ng pagkukunwaring mga seafarers.

Ayon sa travel control and enforcement unit (TCEU), ang nasabing mga biktima, na sadyang hindi pinangalanan, ay nasabat noong Mayo 24 bago pa makasakay sa Cebu Pacific flight patungong Bangkok.

Nabatid na unang nagsabi ang mga biktima na sea-based overseas Filipino workers (OFWs) na ni-recruit para magtrabaho sa Thailand at nagpakita ng pekeng dokumento.

Nang sumailalim sa interogasyon, umamin ang mga ito na ang papunta ang mga ito sa Laos para magtrabaho bilang mga call center agents kung saan sinabi pa ng mga ito na naengganyo sa nakitang advertisement sa social media na malakin suweldo.

Inamin din ng dalawang biktima na nagbayad ang mga ito ng P40,000 bawat isa kapalit ng mga pekeng dokumento.

Una nang nagbabala ang BI sa dumaraming bilang ng mga Filipino na nagiging biktima ng human trafficking sa mga bansang Laos, Cambodia, at Myanmar, para magtrabaho bilang mga call center agents ngunit sa huli ay napupunta sa mga scamming companies.

Dinala sa tanggapan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para matulungan at masampahan ng kaso ang kanilang mga recruiters.

Leave a comment