Lumang motorsiklo isama na rin sa 3 taong bisa ng rehistro — solon

Rep. Rodge Gutierrez

Ni NOEL ABUEL

Umapela ang isang kongresista sa Land Transportation Office (LTO) na ikonsidera na isama na rin ang mga lumang motorsiklo sa tatlong taong bisa o validity ng lahat ng mga bagong motorsiklo sa bansa.

Ang panawagan ay ginawa ni 1Rider party list Rep. Rodge Gutierrez, dahil sa malaki rin ang maitutulong ng mga lumang motorsiklo sa ekonomiya ng bansa.

Sa kasalukuyan, alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032, ang mga motorsiklong may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang mayroong tatlong taong bisa ng initial registration sa LTO.

Ngunit makaraan ang mga pag-aaral ng LTO ay nagdesisiyon itong gawin na ring tatlong-taon ang bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa alinsunod sa Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.

Dahil dito ay pormal na nagpadala ng sulat si Gutierrez sa pamunuan ng LTO upang hilinging isama na rin ang mga lumang motorsiklo sa tatlong taong validity ng rehistro upang makabawas sa mga bayarin at abala sa mga riders.

Sinabi pa ni Gutierrez na malaking bagay kung maisasama na rin umano ang mga lumang motorsiklo, dahil napakalaki ng sektor na binubuo ng mga motorcycle riders tulad ng Grab, Lalamove, Joyride, Move It, Food Panda, Toktok at iba pa na malaking tulong sa ekonomiya ng bansa.

“Isa pa, income generating din ito sa panig ng LTO dahil marami na ang hindi nagpaparehistro dahil sa kakulangan ng budget, lalo na ‘yung mga kagulong natin sa mga probinsiya, pero kung papayagan sila sa napakagandang hakbanging ito ng LTO ay maraming lumang motorsiklo ang maeengganyo na magparesistro,” paliwang pa ni Gutierrez.

Binigyang diin pa nito na isang pagkilala rin ang hakbanging ito sa panig ng mga riders dahil sila umano ang tinaguriang “unsung heroes” noong panahon ng pandemya dahil hindi sila natakot na bawian ng buhay makapagbigay ng serbisyo lamang sa panahong lahat ng tao ay hindi makalabas ng bahay.

Leave a comment