Panibagong 60-araw na suspensyon vs Rep. Teves ipinataw

Ni NOEL ABUEL

Panibagong 60-araw na suspensyon ang ipinataw ng Kamara laban sa nasuspendeng si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. dahil sa patuloy nitong pagliban at pagtupad sa tungkulin nito bilang kongresista.

Nagkakaisa ang mga kongresista o nasa 285 pumabor at isa ang abstention, sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges sa pamumuno ni COOP NATCCO party list Rep. Felimon Espares.

Sa pamamagitan ng Committee Report 660, ang patuloy na pagtanggi umano ni Teves na umuwi ng bansa at manatili sa Timor-Leste kung saan humingi ito ng political asylum subalit ibinasura  ng gobyerno ng nasabing bansa, napabayaan na nito ang kanyang tungkulin bilang bahagi ng Kamara.

“His actions and all its consequences have compromised the integrity of the House of Representatives and constitute disorderly behavior warranting disciplinary action,” ayon pa sa report.

Maliban sa panibagong suspensyon, binawi rin ang  rights and privileges ni Teves bilang miyembro ng Kamara at tinanggal na rin ang lahat ng House Committee memberships nito.

Magugunitang si Teves ay unang pinatawan ng 60-araw na suspensyon noong Marso dahil sa hindi na itong umuwi ng bansa matapos na mag-expire ang travel authority noon Pebrero at noong Mayo 22 nagtapos ang 60-araw na suspensyon nito.

Samantala, ipinaalala ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na walang sinumang mambabatas ang maaaring magsamantala sa batas.

Sinabi ni Romualdez na wala itong personal na galit kay Teves at sa halip ay pinatutupad nito ang integridad ng Kongreso.

“Hindi natin papayagan na sirain ninuman ang integridad ng Kongreso. Walang personalan dito. Ginagawa lamang natin ang sinumpaan nating tungkulin at pangako sa sambayanan,” sabi ni Romualdez sa kanyang pahayag bago ang sine die kahapon.

 “I would like to reiterate that as members of this house, we must be accountable to the people at all times and perform our legislative mandates with utmost competence, efficiency, effectiveness, integrity and fidelity to the people’s welfare. Nothing less. Let this be a reminder to all of us,” sabi pa nito.

Leave a comment