
Ni NOEL ABUEL
Nanguna si Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa mga naipasang mga panukalang batas kabilang ang dalawang mahahalagang batas sa nakalipas na sampung buwan na makakatulong sa mga Filipino.
“Sa pagpasa ng dalawang bills, ang isa ay ganap ng batas at ang isa naman ay handa na para sa pirma ng Pangulo. Inaasahan natin na maraming buhay ang mababago sa mga darating na araw at taon,” sabi ni Estrada.
Ayon kay Estrada, nasa 4,386 na mga beterano at nasa 2,276 ang asawa ng mga pensiyonado at 795 na mga menor de edad na benepisyaro ang kabuuang bilang ang magkakaroon ng dagdag na buwanang benepisyo sa ilalim ng pinagtibay na Senate Bill No. 1480.
Ito ang kasalukuyang bilang na sakop ng Republic Act No. 6948 o ang Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Beneficiaries.
“Malaki ang agwat sa halaga ng nakukuha nila sa loob ng 29 na taon ang ipinagkaloob natin na dagdag sa kanilang buwanang pensyon. Nararapat lamang na ilagay natin sa pamantayan ang paglobo ng presyo ng mga bilihin sa nakalipas na tatlong dekada,” paliwanag ng mambabatas sa isinulong na pagtataas ng disability pension ng mga beterano at kanilang mga dependents.
Pinagtibay ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report sa nasabing panukala noon Mayo 31, at inaasahang mapipirmahan ito ng Pangulo bago magbukas ang second regular session sa Hulyo 24.
Ang huling pagtaas ng veterans’ disability pension ay noon pang 1994.
Ang isa pang landmark legislation sa katatapos na First Regular Session ay nag-amiyenda sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Fixed Term Code na naglalayong mapalakas ang propesyonalismo at masiguro ang modernisasyon sa hanay ng militar na ipinasa noong Marso 22.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang RA 11939, o ang bagong batas na naglalatag ng fixed terms sa mga pangunahing posisyon sa AFP at nagtatakda ng tatlong taon na panunungkulan para sa itinalagang Chief of Staff, maliban na lamang kung may pangangailangan na paiigsiin ito ng Pangulo.
Ang hepe ng Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy at ang superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) ay maglilingkod ng hanggang dalawang taon at maaari rin itong i-terminate nang mas maaga ng Pangulo kung may pangangailangan.
Sa ilalim ng bagong batas itinakda rin ang compulsory retirement age sa AFP personnel. Ang mga may ranggo na Second Lieutenant/Ensign hanggang Lieutenant General/Vice Admiral ay magreretiro sa edad na 57, samantalang ang mga commissioned sa ilalim ng Presidential Decree No. 1908 pati na ang mga itinalaga na Corps of Officers ay obligadong mag-retiro pagtuntong sa edad na 60.
Ang pinakamabigat na epekto kung hindi nabago ng RA 11939 ang RA 11709 ay ang pagretiro o attrition ng 15% ng mga enlisted personnel na karamihan ay mga opisyal na may ranggong private hanggang first chief master sergeant.
“Sa kasalukuyan, 82% ng AFP o mahigit sa 135,000 ng ating kasundaluhan ay binubuo ng mga masisipag na enlisted personnel at hindi bababa sa bilang na 20,000 sa kanilang hanay ang mapipilitang umalis sa serbisyo sa mga susunod na taon dahil sa kanilang forced attrition na nakasaad sa RA 11709. Bagamat hindi ito sinadya, nagdulot ito ng negatibong epekto sa kanilang hanay,” sabi ni Estrada.
Nasa 179 ang mga kabuuang bilang ng mga inihaing panukalang batas ni Estrada mula pa noong Hulyo 2022.
Nakatakda niting pagtuunan ng pansin sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Senate Committee on National Defense and Security ang mga panukalang National Defense Act at ang Military and Uniformed Personnel Services (MUP) Separation, Retirement, and Pension Act.
Ang mga ito ay kabilang sa priority measures ng Legislative-Executive Advisory Council (LEDAC).
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Labor kasalukuyang tinatalakay ng komite ang panukalang Caregivers Welfare Act, Enterprise Productivity Act, Reservist Employment Rights at Apprenticeship Training Act.
Kasalukuyang miyembro rin si Estrada ng bicameral Commission on Appointments (CA) at bilang tagapangulo ng Committee on Foreign Affairs, nagawa niyang maaprubahan ang pagkakatalaga ng 119 na opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) kabilang na ang mga 38 ambassadors.
