BI nagbabala sa nagkalat na pekeng OECs sa online platforms

NI NERIO AGUAS

Naglabas ng babala ang Bureau of Immigration (BI) sa nagkalat na pekeng overseas employment certificates (OECs) na ibinebenta sa mga online platforms.

Ang abiso ng BI ay kasunod ng pagkakasabat sa ilang Filipino na nagpakita ng mga pekeng OECs nang tangkaing lumabas ng bansa.

Nabatid sa ulat ng travel control and enforcement unit (TCEU) na nasabat nito ang tatlong biktima na kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae, na pawang nasa 30-anyos sa Ninoy Aquino International airport Terminal 1 na patungo sana sa Warsaw, Poland sakay ng Air China flight .

Sinasabing nang magpakita ng OECs ang mga biktima ay nagduda si BI officer April Omlang kung saan humingi ito ng tulong sa mga tauhan ng TCEU na sina Edward Supan at Ferdinand Villanueva na nagkumpirma na peke ang ipinakitang OECs ng mga biktima.

Nang sumailalim sa imbestigasyon, umamin ang mga biktima na ni-recruit ang mga ito sa pamamagitan ng online ng nakilalang recruiter sa pamamagitan ng messenger kung saan nagbayad ang mga ito ng P70,000 bawat isa para sa kanilang ticket, at P7,000 para sa pagpoproseso ng kanilang OECs.

Anila, natanggap ng mga ito ang kanilang OECs sa pamamagitan lamang ng email.

Samantala, isa pang biktima ang nasabat sa Clark International Airport (CIA) na nagpakita rin ng counterfeit OEC.

Ang biktima, na 28-anyos na lalaki ay paalis sana patungong Dubai noong Mayo 28 sa Emirates Airlines flight para magtrabaho bilang personnel manager sa isang service provider at nagpakita ng pekeng dokumento.

Ayon sa biktima batid nitong peke ang hawak nitong OEC na nabili nito sa pamamagitan ng online sa halagang P7,000.

Leave a comment