Panukalang pagbabalik sa lumang academic calendar ibigay sa DepEd –solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangang unahin ang kapakanan at pinakamainam na kondisyon sa pag-aaral para sa mga mag-aaral.

Ito ang pahayag ng senador sa pagsasabing ipinauubaya nito sa daklubhasa at ng mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan lalo na ng Department of Education (DeEd) ang pagpapasya sa panukalang pagbabalik sa lumang academic calendar.

“We will leave that to our education officials. Alam kong pinag-aaralan na po nila ito. They will form a group to study the proposal to return to the old academic calendar where school breaks run from April to May. Mas alam po nila ang kanilang trabaho sa departamento, kung ano po ang makakabuti sa ating mga kababayan,” sabi nito

“Ang akin po dito, bilang miyembro po ng Senado, ay pag-aralang mabuti at huwag pong masakripisyo ang kalusugan ng mga kabataan. Ang ayaw natin dito, baka hindi nila kakayanin ang init tuwing summer kasi alam n’yo, nakagawian na natin. Alam n’yo, tuwing summer tayo, March, April, may bakasyon tayo nu’n dahil napakainit po ng klima, napakainit po sa classroom,” dagdag pa ni Go.

Nabatid na sinimulan na ng DepEd ang mga proseso upang suriin ang mga potensyal na benepisyo at hamon ng pagbabalik sa lumang academic calendar.

Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, ang desisyon na isaalang-alang ang pagbabalik sa lumang academic calendar ay nagmumula sa ilang kadahilanan.

Sinabi nito na kinikilala ng ahensya ang pangangailangan na tugunan ang mga pag-aalala na nauugnay sa panahon na kadalasang humahantong sa pagsususpende ng klase, pinahabang pahinga sa paaralan, at mga abala sa pagpapatuloy ng pag-aaral.

Noong nakaraan, natuklasan sa isang survey na humigit-kumulang sa 11,000 guro na isinagawa noong huling linggo ng Marso na hindi bababa sa 67% ng mga guro sa pampublikong paaralan ang nakaranas ng hindi matiis na init sa loob ng silid-aralan, na nakakagambala sa mga estudyante at nakakaapekto sa kanilang pagpasok.

Iginiit pa ni Go na ang DepEd, bilang pangunahing awtoridad sa usapin ng edukasyon, ay nilagyan ito ng mga daklubhasa at karanasan na kailangan para masusing suriin ang sitwasyon.

“Unahin muna natin ang kalusugan ng mga kabataan. Health muna. And of course, huwag po dapat masakripisyo ang education. Importante dito, masusunod pa rin natin ang number of school days na kailangan nilang pumasok sa pag-aaral at huwag masakripisyo ang kalidad ng education kapag inadjust po natin balik sa dating summer break po,” sabi ni Go.

“I’m sure pag-aaralan po itong mabuti ng ating DepEd officials, mas alam po nila ang kanilang trabaho. So ako po ay nakikiusap sa ating mga officials na pag-aralan at kung kailangang ibalik, ibalik po natin, kung ano po ang mas makakabuti sa mga estudyante na hindi po maaapektuhan ang kanilang kalusugan,” giit nito.

Inihain ni Go ang Senate Bill No. 1964 o ang iminungkahing “Kabalikat sa Pagtuturo Act” na naglalayong gawing institusyonal ang pagbibigay ng allowance sa pagtuturo para sa mga guro sa pampublikong paaralan.

Sa ilalim ng panukala, na naaprubahan kamakailan sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado, ang pagbibigay ng cash allowance na awtorisado ay dapat sumaklaw sa lahat ng mga guro sa pampublikong paaralan na nakikibahagi sa pagtuturo ng basic education curriculum.

Leave a comment