
Kailangan talaga ng kamay na bakal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para masawata ang muling pagkalat ng shabu sa Pilipinas.
Hindi na maganda itong naglalabasang report dahil bukod pala sa China at Hong Kong Triad, nasa Pilipinas na rin ang kinatatakutang Indonesian mafia na sila ring nagpaparating ng shabu dito sa atin.
Ipinarating ng ating source na dahil sa ginawang ‘all out war against illegal drugs’ ng nakalipas na Duterte administration, nabuwag ang sinasabing lutuan ng shabu sa Pilipinas.
Lumipat umano ito sa Indonesia pero dahil malamya ang ‘campaign against illegal drugs’ ni PBBM, nagbabalik sigla ito ngayon sa Pilipinas.
Ang nakamamangha, mula Indonesia ay malamang nakalulusot ito papasok sa Mindanao.
Ang ginagamit na front ng sindikato para makapagpuslit ng shabu sa ‘Pinas ay ang mga pekeng sigarilyo mula sa Indonesia, gayundin ang iba pang produkto katulad ng bigas, asukal, kopra, nutmeg oil, softdrinks at kahit mga panabong na manok.
Dalawang magkakasunod na operasyon ang isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) kamakailan na nagresulta sa pagkakasamsam ng tone-toneladang smuggled na sigarilyo sa Dipolog City at Bgy. Taliac, Maasim, Sarangani Province.
Nearesto dito ang dalawang Indonesian nationals na sina Fail Machamud at Fajar Antanari.
Sinabi ng ating impormante na isang nagngangalang Ci Una, alias Sitti Maimuna Bin Taher mula sa bayan ng Tahuna, Indonesia ang nasa likod umano ng sindikato ng droga.
Ang ginagamit na front ni Ci Una sa kanyang sindikato ay ang iba’t ibang hotel na pag-aari nito sa Tahuna at North Sulawesi.
Kasabwat nito sa sindikatong ito ang kilalang hoodlum sa Indonesia na may alyas Balakrishna na may kontrol ng illegal na aktibidades sa South Asia at Southeast Asia.
Kung pagbabatayan ang intelligence report na ipinadala ng Indonesian authorities sa counterpart nila sa Pilipinas, milyun-milyong piso na ang napalusot na kontrabando ni Ci Una kada buwan.
Tinataya itong IDR10 billion (IDR-Indonesian Rupiah money) o P37 milyon kada buwan. Sa smuggling pa lamang umano iyan ng sigarilyo at iba pang produkto —-labas pa ang pinalulusot na shabu na bilyun-bilyong piso ang halaga kada tonelada.
Nangyayari ang pagpapalusot ng illegal na produkto sa Petty Port, Tinakareng, Marore Island at ipinadadaan ang barko papasok sa Pilipinas sa Saranggani Island at General Santos City.
Ang warehouse ng naturang sindikato ay nasa bayan din ng Tahuna na malapit lamang din sa dagat. Guwardiyado umano ito ng armadong kalalakihan at protektado ang sindikato ng ilang tiwaling awtoridad ng Indonesia.
Bukod dito, talamak din ang money laundering ng naturang sindikato — hindi malamang nagagamit na rin front ang ini-invest ng sindikato sa Pilipinas.
Ang mga ulat na ito ay laman din sa Indonesian press at social media sa naturang bansa.
“The Philippine authority and it’s counterpart from Indonesia need to hold bilateral talks and set up a joint-force operation in the maritime borders between Indonesia’s Marore Island in Sanguine Island and Mindanao in the Philippines,” rekomendasyon sa Pilipinas ng intelligence community sa Indonesia.
Pangunahing palusutan naman ng nilulutong shabu ang Tahuna Island sa North Sulawesi, Indonesia, gayundin sa probinsiya ng Manado.
Sa ganang akin, dapat higpitan ng ating mga awtoridad ang pagbabantay sa mga ‘gate water’ sa Mindanao, partikular na sa General Santos City at Saranggani province.
Dapat kapag galing sa mga isla ng Indonesia ay nakaalerto agad sila. Halughugin ang mga ipinalulusot na kargamento dahil hindi malayong nakaipit na doon ang mga shabu.
****
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674
