Wanted na Korean national arestado sa CIA

Ang Korean national na nagpakilalang pekeng Pinoy.

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national na wanted sa bansa nito nang tangkaing lumabas ng bansa sa pamamagitan ng pagkukunwang Filipino.

Kinilala ang nadakip na dayuhan na si Na Ikhyeon, 26-anyos, na naharang sa Clark International Airport sa Angeles City, Pampanga noong Mayo 31 bago pa makasakay sa Cebu Pacific Airways flight patungo ng Hong Kong.

Nabatid na nagpakilalang Rodingo Santos Chun ang dayuhan sa posibleng pekeng Philippine passport na ipinakita nito sa opisyal ng BI sa immigration departure counter ng paliparan.

Napansin umano ng immigration officer ang matingkad na iregularidad sa hitsura ng biopage ng pasaporte ni Na na hindi mabasa kapag ini-scan ng computer.

Hindi rin marunong magsalita ng Pilipino o anumang lokal na diyalekto si Na na nag-udyok sa opisyal na i-refer ang pasahero para sa pangalawang inspeksyon.

Sa pagsusuri na isinagawa ng forensic documents laboratory ng BI sa pasaporte ay lumabas na ang pasaporte ay talagang peke.

Sa interogasyon ng mga miyembro ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI, isinuko nito ang kanyang South Korean passport na lumabas na nasa hit list ng Interpol ng invalidated travel documents.

Ibinunyag ng national central bureau ng Interpol sa Maynila na si Na ay pinaghahanap sa Korea sa dalawang bilang ng mga kaso ng pandaraya na may kinalaman sa malaking halaga ng pera na umano’y natanggap nito mula sa kanyang mga biktima.

Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa Taguig City si Na habang inihahanda ng BI board of commissioners ang summary deportation dito upang maipatapon pabalik ng Korea para harapin ang kaso laban sa kanya.

Leave a comment