
Ni NOEL ABUEL
Ipinanukala ni Senador Lito Lapid na i-exempt sa 12 percent Value Added Tax at mas palawakin pa ang discount sa bill sa kuryente at tubig ng mga senior citizens sa buong bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2169 sinabi ni Lapid na ipatutupad ang limang porsiyentong diskuwento ng mga senior citizen sa 150 kilowatt hours mula sa kasalukuyang 50 kilowatt hours sa konsumo sa kuryente.
Samantala, ipatutupad naman ang limang porsiyentong diskuwento sa konsumo sa tubig sa unang 50 cubic meters mula sa kasalukuyang 30 cubic meters.
Isinulong din ni Lapid na ilibre na sa 12 percent Value Added Tax ang konsumo sa tubig at kuryente kung nasa ilalim ng pangalan ng senior citizens ang bayarin dito.
Naniniwala si Lapid na malaking tulong ito sa mga lolo’t lola na walang kita at kapos sa panggastos sa kanilang pagkain at mga gamot.
“Maraming senior citizens ang mahihirap at kapos na rin sila magbadyet ng kanilang pensyon kaya nararapat lang mapagkalooban ng konting ginhawa sa pamamagitan ng VAT exemption at mas pinalawak na 5 porsiyentong diskuwento sa konsumo sa tubig at kuryente,” pahayag ng Supremo ng Senado.
Paraan na rin aniya ito ng pagpapasalamat ng lipunan sa mga senior citizens na malaki ang naiambag sa ekonomiya ng bansa noong kabataan nila.
“Anumang maibigay natin konting ayuda o suporta sa mga senior citizens ay malaking bagay na upang iparamdam sa kanila ang pagmamahal at malasakit natin sa naging ambag nila sa ating lipunan,” ayon pa kay Lapid.
