Advanced Nursing Education bill isinulong ni Sen. Go

Ni NOEL ABUEL

Ipinangako ni Senador Christopher “Bong” Go na ipaglalaban nito ang kalagayan ng mga nurses sa bansa dahil sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga ito.

Ayon sa senador, kinikilala nito ang mahalagang papel ng mga nurses sa pangangalagang pangkalusugan at sa isang hakbang upang maiangat ang propesyon ng nursing profession sa bansa.

Sa isang ambush interview matapos ang kanyang pagbisita sa Naga City, Camarines Sur noong Sabado, Hunyo 3, iginiit ni Go na ang mga healthcare workers ay nararapat sa patas na kabayaran na sumasalamin sa kanilang napakahalagang serbisyo.

Itinulak din nito ang pagbibigay ng mga benepisyo at insentibo upang matulungan ang mga nurses at hikayatin silang manatili sa bansa.

“Alam n’yo, nu’ng nakaraang 18th Congress, isa po ako sa author at co-sponsor po ng Salary Standardization 5. At nagkaroon tayo ng SSL 5 kung saan po itinaas ang sweldo ng lahat ng government workers. At hopefully po magkaroon pa sana ng SSL 6 para po matulungan pa ang ating mga government workers na tumaas pa ang sweldo, including na po itong mga (public) healthcare workers natin,” pahayag pa ng senador.

Si Go ay nag-akda at nag-co-sponsor ng RA 11466, o ang SSL5 noong 2019 upang bigyan ang mga nurses at iba pang civilian government employees ng kanilang ikalimang round ng pagtaas ng suweldo na pinaghiwa-hiwalay sa mga tranches.

Sa parehong taon, tiniyak din nito na sapat ang pondong inilaan para sa pagpapatupad ng desisyon ng Korte Suprema noong 2019 na nagpatibay sa Section 32 ng Philippine Nursing Act of 2002, na nagtatakda ng minimum salary grade ng Nurse I position sa SG-15.

Dagdag pa rito, patuloy na isinusulong ng senador ang pagsulong ng nursing education sa pamamagitan ng kanyang panukalang Advanced Nursing Education bill.

Sinabi ni Go na ang nursing education sa bansa ay matagal nang kinikilala bilang isang matibay na pundasyon para sa magagaling at maalagang mga healthcare professionals.

Gayunpaman, sa mabilis na pagbabago ng health landscape, naging mahalaga na i-update ang curriculum at training methods upang matugunan ang mga hinihingi ng mga modernong kasanayan sa pangangalagang pangkalusugan habang hinihikayat ang mga nurses na maglingkod sa kanilang mga komunidad at manatili sa bansa.

Sa iminungkahing “Advanced Nursing Education Act of 2022” nilalayon nito na protektahan at pahusayin ang nursing profession.

“Dapat po ay bigyan natin sila ng tamang kompensasyon para hindi na sila umalis na po, mangibang bansa dahil naintindihan ko naman na kailangan nilang magtrabaho sa ibang bansa dahil napakalaki talaga ng sweldo, ng diperensya ng sweldo dito sa ating bansa kumpara po sa ibang bansa. So, the more na dapat nating tulungan ang ating mga nurses,” ani Go.

“At mayroon din po akong nai-file sa Senado itong Advance Nursing Education Bill para po sa karagdagang curriculum upang mahikayat natin silang magtrabaho dito sa ating bansa, sa Pilipinas. Maisama po ang iba pang curriculum, ‘yung community integration at immersion po, karagdagang kaalaman din iyon,” dagdag nito.

Leave a comment