Bulkang Taal binabantayan ng Phivolcs

NI MJ SULLIVAN

Patuloy na binabantayan ng mga tauhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang galay ng Bulkang Taal na nagpapakita ng paggalaw sa mga nakalipas na araw.

Ayon sa Phivolcs, alas-10:30 ng gabi noong Hunyo 3 unang maitala ang pagkakaroon ng pagbuga ng gas mula sa Bulkang Taal kaakibat ng upwelling sa lawa ng Main Crater na lumikha ng makapal na steam-rich plume na tumayog hanggang 3,000 metro mula sa Taal Volcano Island o TVI.

Ito umano ay lumikha ng volcanic smog o vog sa kapaligiran ng bulkan at naiulat ang vog sa mga mamamayan ng munisipyo ng Balete, Laurel at Agoncillo, Batangas.

Ayon pa sa hivolcs, nagbuga ang Taal Main Crater ng 5,831 tonelada kada araw na volcanic sulfur dioxide o SO2 gas noong Hunyo 1, 2023, mas mataas sa average na 3,556 tonelada kada araw nitong nakalipas na buwan.

Nagpaalala naman ang Phivolcs, sa mga apektadong residente, na mag-ingat sa vog dahil sa binubuo ito ng mga pinong droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at maaaring magdulot ng pangangati ng mata, lalamunan at respiratory tract na may kalubhaan depende sa mga konsentrasyon ng gas at tagal ng pagkakalantad.

Ang mga taong maaaring partikular na sensitibo sa vog ay ang mga may kondisyong pangkalusugan tulad ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis na kababaihan at mga bata.

Paalala pa ng Phivolcs, mangyaring alalahanin ang mga sumusunod; Limitahan ang pagkakalantad at iwasan ang mga aktibidad sa labas, manatili sa loob ng bahay at isara ang mga pinto at bintana upang harangan ang vog.

Takpan ang iyong ilong, mainam gamitin ang N95 facemask. Uminom ng maraming tubig upang mabawasan ang anumang pangangati o paninikip ng lalamunan. Kung kabilang sa partikular na sensitibong grupo ng mga tao sa itaas, bantayan ang iyong sarili at humingi ng tulong sa isang doktor o sa barangay health unit kung kinakailangan, lalo na Kung malalang epekto ang nararanasan.

Dagdag pa rito, maaaring mabuo ang acid rain sa mga panahon ng pag-ulan at paglabas ng gas ng bulkan sa mga lugar kung saan ang plume ay kumalat, na nagdudulot ng pinsala sa mga pananim at nakakaapekto sa mga metal na bubong ng mga bahay at gusali.

“Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang wala sa normal na kalagayan ang bulkan at hindi pa lumilipas ang aktibidad o ang banta ng pagputok nito. Kung magkaroon ng paglala o matinding pagbabago sa mga monitoring parameters, maaaring itaas muli ang antas ng alerto sa Alert Level 2,” ayon sa Phivolcs.

Sa kasalukuyang Alert Level 1, maaari umaanong maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas sa kapaligiran ng TVI.

“Mariing iminumungkahi ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa TVI, na siyang Permanent Danger Zone o PDZ ng bulkang Taal, lalung-lalo na sa palibot at loob ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure. Hinihimok ang mga Local Government Units (LGU) na patuloy na suriin ang mga pinsala at kalagayan ng kalsada’t daanan at ang pagpalakas ng paghahanda, contingency, at mga pamamaraan ng komunikasyon para kung sakaling magbago ang kalagayan ng bulkan. Pinapayuhan ang mga tao na mag-ingat sa paggalaw ng lupa na nagkaroon ng bitak (fissure), maaaring pag-ulan ng abo at mahihinang lindol. Ang mga pamunuan ng civil aviation ay hinihimok na magpayo sa mga piloto na huwag lumipad malapit sa bulkan upang makaiwas sa biglaang pagbuga ng abo at malalaking tipak ng bato o paglipad ng abo dala ng malakas na hangin na maaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid,” ayon pa sa abiso ng Phivolcs.

Leave a comment