
NI NERIO AGUAS
Isa na namang Korean national ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na wanted sa bansa nito dahil sa telecommunications fraud.
Sa ulat ng border control and intelligence unit (BCIU), kinilala ang nahuling dayuhan na si Jeon Jihoon, 37-anyos, noong Hunyo 2 sa NAIA 1 terminal makaraang lumapag ang sinakyan nitong China Eastern Airways flight mula sa Shanghai, China.
Sinabi ni Joseph Cueto, BI-BCIU deputy chief for operations, na nang dumaan sa immigration counter ang pasaporte ng dayuhan ay nakita na nasa Interpol hit list ng wanted foreign fugitives si Jeon.
“After conferring with the BI Interpol unit, the immigration supervisors on duty were able to confirm the Jeon and the person whose name registered a hit in the Interpol database are one and the same,” ani Cueto.
Base sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Jeon ay kinasuhan ng telecom fraud sa Busan district court sa South Korea na naglabas ng warrant for arrest laban dito noong Pebrero 24 ng nakaraang taon.
Sinasabing miyembro ng voice phishing syndicate ang nasabing dayuhan at nagkukunwang ahente ng isang financial institutions at nambibiktima ng mga kababayan nito.
Nabatid na daan-daan ang naging biktima ng sindikato na umabot sa 4.5 billion won o katumbas ng US$3.5 million.
Dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig si Jeon habang inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng South Korea at hindi na papayagan pa itong makapasok sa Pilipinas.
