
Ni NOEL ABUEL
Aabot sa mahigit sa 1,000 sari-saring store owners sa lalawigan ng Bulacan ang nabigyan ng tulong para mapalago ang kanilang maliit na negosyo.
Pinangunahan ni Senador Alan Peter Cayetano kasama sina dating Bulacan First District Rep. Jonathan Sy-Alvarado, at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng Sari-saring Pag-Asa Program (SSP).
Mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 2, 2023, nagbigay ng tulong ang opisina ni Cayetano sa mahigit 1,200 sari-sari store owners mula sa districts 1, 5, at 6 sa Bulacan.
Ginawa ito sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng mga lokal ng pamahalaan at sa pakikipagtulungan ng DSWD sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program.
Sa ilalim ng SSP na flagship program ni Cayetano para sa mga maliliit na negosyo, nakatanggap ang bawat store owner ng tulong at booklet na nagpapaliwanag sa programa at nagbibigay ng mga tip kung paano nila palalaguin ang kanilang negosyo.
Higit 50 sari-sari store owners na may karamdaman ang nabigyan din ng medical assistance sa mga nakatalagang assistance desk sa venue kabilang sa tulong sa kanila ang hospital bill, gamot, laboratory, pang-opera, at diagnostic procedures.
Bago ipamahagi ang tulong, pinasalamatan din ni Alvarado ang mga senador dahil palagi nitong naaalala ang mga Bulakenyo, lalo na’t hindi lang ito pang isahan na tulong.
“Ang kagandahan po nitong Sari-saring Pag-asa Program na dala sa atin nina Senator Alan at Senator Pia ay hindi ito one-time big time na tulong, kundi pang matagalan po itong tulong na ito,” sabi ni Sy-Alvarado sa mga beneficiaries.
“Hindi po kayo binigyan ngayon ay tapos na. Dahil kapag may maitutulong sa inyo, tulad ng seminar at paghahanap ng hanapbuhay, ay maiimbitahan kayo agad at mabibigyan pa kayo ng payo. Maraming salamat po sa lahat ng tulong ninyo Senators Alan at Pia Cayetano,” dagdag nito.
