
Ni JOY MADALEINE
Nanguna si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na pinangalanang Top 1 sa top-performing first term city mayors sa Job Performance Ratings survey na kinomisyon ng RP-Mission and Development (RP-MD) Foundation na isinagawa mula Pebrero 25 hanggang Marso 8.
Nabatid na si Malapitan ay nakakuha ng 91.85% ratings mula sa nasasakupan nito.
Ayon sa RPMD, ang City Mayor Survey ay bahagi ng mga pagsisikap nitong “Boses ng Bayan” na suriin ang performance ng mga pampublikong opisyal sa bansa, batay sa mga panayam sa mahigit 10,000 kabuuang adult na respondent na may margin of error na +/-1%.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Along sa kanyang mga nasasakupan at inulit ang kanyang pangako na tiyakin ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay prayoridad sa mga pangangailangan ng mga tao.
“Maraming salamat po sa patuloy na pagtitiwala, mga Batang Kankaloo. Nais po nating ipagpatuloy ang matiwasay at dedikadong pamamahala na palaging inuuna ang kapakanan ng mamamayan,” sabi nito.
“Sa isang taon ng serbisyong may aksyon at malasakit, malaking karangalan pong kilalanin at malaman na nararamdaman ng ating nasasakupan ang ating taos-pusong paglilingkod,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon pa sa RP-MD, si Malapitan at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ay nagtabla sa unang puwesto sa nakuhang 91.99 habang si Navotas Mayor John Rey Tiangco ay 91.82%.
Ang iba pang alkalde na nanguna sina Candon City Mayor Eric Singson, Mayor Denver Chua ng Cavite City, Mayor Indy Oaminal Jr. ng Ozamis City, Mayor Bambol Tolentino ng Tagaytay City, at Mayor Lucy Torres ng Ormoc City.
