Speaker Romualdez ipinagtanggol ng kapwa kongresista

Rep. Elpidio Barzaga Jr.

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. si House Speaker Martin Romualdez sa pananatiling nakatutok sa kanyang hindi mabilang na mga responsibilidad bilang pinuno ng Mababang Kapulungan ng Kongreso habang ito ay nasa dulo ng mga pag-atake ni Bise Presidente Sara Duterte, na nagsabing tinahak nito ang “moral high road”.

Ipinagtanggol ni Barzaga si Romualdez at sinabing hindi kailanman nagsalita si Romualdez ng masama tungkol sa Bise Presidente sa kabila ng pagiging malinaw na paksa ng kanyang masasamang insulto kasunod ng umano’y pagtatangka na patalsikin ito bilang pinuno ng Kamara.

“The Speaker held his horses and remained focused on his job as the leader of the House of Representatives amid this political rift. He never fired back with insults of his own. That shows strength of character,” ayon pa kay Barzaga, chairman ng House Committee on Natural Resources.

Sinabi pa ni Barzaga na ang suporta ng iba’t ibang partidong pampulitika sa pamumuno ni Romualdez ay nagbigay-daan sa Kamara na aprubahan ang mga priority bills ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).

Aniya, ang political bickering ang huling kailangan ng bansa, lalo na’t tumakbo at nanalo si Marcos Jr. sa plataporma ng pagkakaisa kay Duterte, na nagbitiw na sa naghaharing Lakas-CMD, kung saan si Romualdez ang presidente.

Ipinunto pa ng dating pangulo ng National Unity Party (NUP), na malaking tulong si Romualdez sa pagsusulong ng kandidatura sa pagka-bise presidente ni Duterte, na kalaunan ay na-recruit para sumali sa Lakas.

Naging malapit si Romualdez sa Bise Presidente dahil kabilang ito sa mga nagkumbinsi sa kanya na tumakbo sa puwesto sa ilalim ng tiket ng UniTeam, na pinamumunuan ng kanyang pinsan, na ngayon ay Presidente ng bansa.

“The Speaker worked hard for then Davao City Mayor Sara Duterte’s vice presidential bid because he genuinely believed that she would make a difference. Their rift is sad news and I hope that it will be mended soon,” ani Barzaga.

Leave a comment