
Ni NOEL ABUEL
Pinakikilos ng Commission on Audit (COA) ang Government Service Insurance System (GSIS) na hanapin at singilin ang mga delingkwenteng borrower na may hindi pa nababayarang utang na nagkakahalaga ng P2.114 bilyon kasama ang interes na nagkakahalaga ng P823.153 milyon.
Sinabi ng state auditor na ang mga hindi nabayarang utang ay napunta sa 21 pribadong kumpanya na ang mga obligasyon ay nanatiling hindi pa nababayaran sa loob ng 24 hanggang 53 taon.
Base sa inilabas na audit report noong Hunyo 6, 2023, ang pinakamalaking pagkakautang ay nagkakahalaga ng P600 milyon ng isang nangangalang “Company 1” na hindi pa nabayaran sa loob ng 25 taon.
Sa datos ng GSIS, ang pagkakautang ay inaprubahan noong Disyembre 10, 1997 na babayaran sa loob ng 5-taon na may interest rate na 18 percent per annum kada buwan.
Bagama’t hindi binanggit ang pangalan ng borrower sa 140-pahinang ulat, nagbigay naman ang audit team ng impormasyon na ang kumpanya ay isang property developer na ang loan security ay kinabibilangan ng water theme parks, condominium units, at house and lots sa isang residential subdivision.
Kabilang sa collaterals na nakatala sa audit report ang Water Fun sa Muntinlupa City, Water Fun sa Quezon City, 102 units sa St. John Condominium sa Quezon City, 366 lots sa Mary Homes Subdivision sa Cavite, at rights ng 240 units sa Metro Homes sa Manila.
Ang lahat ng tinatayang halaga ng seguridad sa oras ng pag-apruba ng pautang ay umabot sa P1.041 bilyon.
“Records disclosed that the borrower was in default in paying the loan hence, in 2003, GSIS foreclosed some of the properties …which were used as security/collateral,” ayon pa sa COA.
Ayon pa sa state auditors, ang mga properties foreclosed noong 2003 ay kinabibilangan ng Water Fun theme parks at tanging 12 ng 102 units sa St. John Condominium.
Ang mga ito ay naitala ng GSIS bilang investment properties (IPs).
“Relative to the remaining 90 units in St. John Condominium, Quezon City, the audit team was informed by Management that these are subject to litigation pending decision of the Supreme Court,” sabi pa ng state auditors.
Sa paghahanap online, ipinakita na ang kaso ay G.R. No. 200683 na may titulong New San Jose Builders, Inc. vs. Government Service Insurance System na may ruling at petsang Hulyo 28, 2021 kung saan iniutos ng Korte Suprema na ibalik ang kaso sa Quezon City Regional Trial Court.
Sa kabilang banda, sinabi rin ng COA na ang P35.504 million proceeds mula sa binentang 71 lote sa Mary Homes, Cavite ay nabili at napunta ang benta sa GSIS.
Gayunpaman, nabigo ang pag-audit na magkaroon ng anumang rekord tungkol sa pagbebenta ng 122 na lote na, bagama’t ganap na nabayaran, ay walang impormasyon kung ang mga nalikom ay napunta o hindi sa GSIS.
Ang isa pang malaking pagkakautang ay ginawa ng tinawag na “Company 3”, na isa ring property developer, na ang pagkakautang ay nasa P353.987 milyon na inaprubahan noong Agosto 26, 1994 na payable sa loob ng 7-taon sa 16 percent yearly interest.
“Records disclosed that no payment was made by the borrower on the loan secured by properties with aggregate loanable value of P400.898 million at the time of loan granting,” sabi pa ng COA.
Ang collaterals ay nakatala bilang Adelina Complex 3, Phases 4, 5, at 6 sa Biñan, Laguna; Adelina Complex Extension sa Trece Martires, Cavite; Xavierville Avenue, Loyola Heights sa Quezon City; at Pacita Complex I sa San Pedro, Laguna.
Binatikos ng COA ang GSIS sa kabiguan na magsagawa ng foreclosure proceedings sa kabila ng pagkakaroon ng seguridad sa kamay.
Sa pinakahuling statement of account sa nasabing borrower na may petsang Pebrero 28, 2022 ay lumalabas na ang natitirang halaga ng utang ay lumaki sa P170.523 bilyon kung saan ang P170.168 bilyon ay mula sa interest at surcharge.
