
Ni NOEL ABUEL
Ibinasura ng Sandiganbayan ang magkahiwalay na mosyon na inihain ni dating Maguindanao Governor Datu Sajid Islam Ampatuan na humihiling na baligtarin ang kanilang conviction para sa graft at malversation sa pamamagitan ng falsification of public documents noong Marso 10, 2023.
Sa 15-pahinang resolution ng Sandiganbayan Third Division na may petsang Hunyo 7, 2023, at pinonte ni Associate Justice Bernelito R. Fernandez at Presiding Justice Amparo M. Cabotaje-Tang at Associate Justice Ronald B. Moreno, isinantabi ang mosyon ni Ampatuan at kapwa nito akusado na si dating provincial agriculturist Mosibicak Guiabel at pinagtibay ang hatol na reclusion perpetua para sa kasong malversation at 8 hanggang 12 taong pagkakakulong sa kasong graft.
Samantala, si Guiabel ay nahaharap sa pagkakakulong ng16 hanggang 24-taon sa dalawang kaso ng graft at double reclusion perpetua sa dalawang counts ng kasong malversation.
Sa nasabing desisyon, napatunayang guilty ng Sandiganbayan ang mga akusado sa pagsasabwatan kaugnay ng huwad na pagbili ng mga farm supplies na nagkakahalaga ng P98.25 milyon noong 2005.
Bukod kina Ampatuan at Guiabel, hinatulan din si dating provincial budget officer Datu Ali Abpi sa dalawang bilang ng graft kung saan ay pinatawan ito ng 16 hanggang 24 na taong pagkakakulong.
Sa ebidensya ng prosekusyon at mga testimonya ng mga auditor ng gobyerno ay nagpatunayan na ang dapat na pagbili ng P50 milyon at P98.25 milyong halaga ng pataba, palay at buto ng mais ay hindi nangyari.
Itinanggi ng umano’y supplier na Tamoni Enterprises na may ginawa itong transaksyon sa provincial government ng Maguindanao.
Sa kanyang apela, sinabi ni Ampatuan na walang ebidensya na nagpapakita ng kanyang direktang partisipasyon sa mga transaksyon.
Iginiit nito na hindi ito nakibahagi sa mga paglilitis ng Bids and Awards Committee (BAC) at walang kamay sa pagpili ng nanalong supplier.
Binigyan-diin din ng dating gobernador na hindi ito umirma sa anumang disbursement voucher, purchase request, o purchase order na aniya ay mahahalagang dokumento na nangangailangan ng kanyang personal na pag-apruba.
Sinabi ng Sandiganbayan na ang akusado ay hindi naglabas ng anumang bagong isyu upang bigyang-katwiran ang pagbigay ng kanyang apela.
“After a careful review of the arguments raised by the parties, this Court finds no compelling reason to amend, alter, or revise or even reverse the assailed Decision,” ayon pa sa anti-graft court.
Naniniwala ang korte na nang pumasok si Ampatuan sa isang memorandum of agreement noong Hunyo 8, 2009 at nilagdaan ang disbursement voucher sa parehong petsa, pinayagan nito ang pampublikong pondo sa halagang P98.25 milyon na ilabas para sa isang gawa-gawang pagbili sa isang grand scheme na magdulot ng hindi nararapat na pinsala sa gobyerno.
“It cannot be denied that accused-movant Ampatuan was given every opportunity to present vital documents in his favor … that would prove that he performed his duties under the MOA. However, he miserably failed to do so,” sabi pa ng Sandiganbayan.
