
Ni NERIO AGUAS
Nadagdagan ng bilang ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) makaraang magtapos sa pagsasanay ang nasa 59 na bagong immigration officers na ipakakalat sa iba’t ibang paliparan sa bansa.
Nabatid na ang mga bagong IOs ay nagtapos sa Philippine Immigration Academy (PIA), Clark, sa Pampanga.
Ang nasabing mga bagong immigration personnel ay binubuo ng 36 na babae at 23 lalaki na nanumpa sa isang seremonya ng graduation, na ginanap sa Alpha Aviation Center, Clark, Pampanga noong Hunyo 3.
Naging pangunahing pandangal si Atty. Agnes VST Devanadera, presidente at CEO ng Clark Development Corp., na nagbigay ng paalala sa mga IOs sa paglaban ng bansa laban sa human trafficking.
Binigyan-diin ni Devanadera ang kahalagahan ng napapanahong aksyon at koordinasyon sa pagitan ng gobyerno, pribadong sektor, at iba pang stakeholders laban sa sindikato ng human trafficking.
Dumalo rin sa pagtatapos ang mga opisyales ng BI partikular sina BI Commissioner Norman G. Tansingco at Deputy Commissioners Joel Anthony M. Viado at Daniel Y. Laogan.
Ang 59 na IOs ay sumailalim sa isang fast-tracked course na naglalayong magbigay ng kinakailangang kaalaman at kasanayan upang maging epektibong immigration officer na magsisilbing frontliners sa mga pangunahing international ports sa bansa.
Sa nasabing bilang, 37 sa mga ito ay ipakakalat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang iba pa ay ipakakalat sa Clark, Kalibo, Cebu, at Zamboanga.
“This will further add up the reserve immigration personnel assigned in terminals 1 and 3, and ensure the public of our continued effort to make more convenient for the international travelers,” ayon sa BI.
Malaking tulong din ang mga ito para mabawasan ang mahabang pila sa mga immigration counters sa NAIA na inirereklamo ng mga pasahero.
