
Ni NOEL ABUEL
Hinimok ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang gobyerno na simulan muli ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at kanilang political arm na National Democratic Front.
Ginawa nito ang apela bilang reaksyon sa pahayag ng bagong pinuno na si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na hindi ito pabor na ipagpatuloy ang negosasyon sa komunistang grupo.
Sinabi ni Rodriguez na nakalulungkot na nagkaroon ng personal na paninindigan ang bagong pinuno ng DND.
“I hope that he reconsiders that position, because this long-running communist insurgency has resulted in the loss of many Filipino lives – communist guerrillas, soldiers and civilians, including children. Just one Filipino the government could save by talking with the communists is worth all the effort,” giit pa ni Rodriguez.
Sinabi nito kung totoo ang sinasabi ng militar na lumiliit na ang bilang ng mga komunista, may moral obligation ang estado na himukin silang magsalita ng kapayapaan sa halip na “finishing them off,” gaya ng sinabi ng isang opisyal.
“I am sure that these CPP-NPA-NDF remnants would want to enjoy life in peace with their families, instead of getting exterminated by the overwhelming military power of the state. They should realize that their dream of more 50 years of taking over the government has remained just that – an impossible dream,” sabi pa nito.
Pinaalalahanan ng mambabatas ng Mindanao si Teodoro na maraming bayan sa kanyang sariling lalawigan ng Tarlac at kalapit na Pampanga ang naging hotbed ng communist insurgency sa mga nakalipas na panahon.
“Look where Tarlac and Pampanga are now. They are growth areas, they are booming because there are no more communists there and because the government built infrastructure like roads in these provinces,” sabi nito.
Aniya, sigurado itong ganito rin ang nangyayari sa mga komunidad sa Visayas at Mindanao state forces, kasama na ang mga pulis, na nakalaya mula sa communist insurgency.
“Entrepreneurship and economic activities thrive in communities where there is peace,” ayon pa sa kongresista.
Idinagdag pa ni Rodriguez na dapat aniyang kumbinsihin ni Teodoro ang mga komunistang grupo na tularan ang kanyang kasama sa probinsya, ang sikat na tagapagtatag ng NPA na si Bernabe Buscayno, alyas Kumander Dante, na sumuko sa armadong pakikibaka para sa pagtamasa ng buhay sibilyan bilang isang magsasaka at kooperatiba ng mga magsasaka kanyang bayan ng Capas sa Tarlac.
Kasabay nito, hinimok ni Rodriguez si Teodoro na muling isaalang-alang ang kanyang posisyon na huwag ibalik ang kasunduan sa seguridad ng kanyang departamento sa Unibersidad ng Pilipinas, na winakasan ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana noong 2021.
Ipinagbawal ng ilang dekada na kasunduan ang presensya ng militar at pulisya sa UP, maliban sa mga espesyal na pangyayari.
Sinabi ni Rodriguez na siya at si Teodoro ay parehong nagtapos ng batas sa UP, at batid ng mga ito na ang academic freedom and excellence ay umuunlad sa isang kapaligirang walang panghihimasok ng militar at pulisya.
