3 biktima ng human trafficking naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Nasagip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Filipino kabilang ang dalawang Pinay na biktima ng human trafficking na nagtangkang lumusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa BI, ang tatlong Pinoy ay kapwa patungo sana sa Lebanon at Syria nang maharang sa magkahiwalay na insidente sa NAIA Terminal 1 at 3 noong Hunyo 9 at Hunyo 10.

Nabatid na nang dumaan sa immigration counters ang naturang mga biktima ay nagduda ang mga tauhan ng travel control and enforcement unit (TCEU) kung kaya’t isinailalim sa secondary inspection.

“They all initially alleged they were traveling as tourists and one of them even pretended to a nanny for the 16-year-old boy who is her supposed companion in her trip,” ayon sa BI.

Makaraang sumailalim sa imbestigasyon ay umamin din ang nagpakilalang yaya na hindi ito bibiyahe bilang turista kundi magtutungo sana sa Syria para nagtrabaho bilang domestic helper.

Ang isa pang pasahero ay nagsabing nagbabakasyon sa Kuala Lumpur, Malaysia ngunit kalaunan ay umamin na pupunta sa Lebanon kung saan siya dati ay nagtrabaho bilang isang kasambahay.

Habang ang ang ikatlong pasahero ay nagpakita ng pekeng Saudi Arabian visa ngunit kalaunan ay isinuko ang kanyang United Arab Emirates (UAE) visa at sinabing pupunta ito sa Dubai para magtrabaho bilang isang kasambahay.

“In all these cases, the victims recounted that they were recruited via the social media by illegal recruiters who processed all their travel documents. It is clear that they are all victims of human trafficking, thus we could not allow them to leave,” ayon sa BI.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang tatlong biktima para sa kaukulang imbestigasyon.

Leave a comment